Wednesday, January 31, 2007

Hindi Parusa

"Ang tigas talaga ng ulo mo!" sigaw ni Tatay, sabay hagupit ng unan sa katawan ko. Dahil sa lakas ng hampas, sumabog ang kapok. Si Nanay naman ang nagalit dahil kasunod nito ay ang pagsumpung ng kanyang hika gawa ng pagkalat ng kapok sa hangin.

Malinaw pa rin sa alaala ko na sa tuwing ako ay magkakasala at sumusuway sa mga "batas" ni Tatay, laging ganoon ang nangyayari. Hindi sinturon o dos-por-dos ang panghagupit niya sa akin kundi unan. Malambot kasi! Ayaw din ni Tatay na masaktan ako pero si Nanay ang mas lalong galit kasi nauubos ang aming mga unan.

Si Tatay talaga - namamalo nga pero ang lambot naman nang ginagamit. Todo naman ang atungal ko kahit hindi masakit.

Ang ating Diyos Ama ay ganoon din - namamalo - hindi para magparusa kundi upang ituwid ang Kanyang mga anak na minamahal upang hindi mapalayo sa Kanya.

Katulad ko, bagama't nabilanggo ako, di ko ito itinuring na mabigat na parusa, sapagkat ito ang naging daan upang ako ay magbalik-loob at maglingkod kay Hesus! Beth C.

Pagninilay: Sinasabi ng Diyos: "Anak, nasasaktan ka ba 'pag pinapalo kita? Mahal na mahal kita at ayokong mawalay Ka sa akin."

O, Hesus, aking Manunubos, baluktot king gawain ay Iyong ituwid nang ako ay hindi na muling magkasala.

No comments: