Saturday, March 31, 2007

IN or OUT

Nakakalungkot isipin na sa kapanahunan natin ngayon ay lantad na lantad na ang mga bagay na dati ay ipinakakatagu-tago para huwag mabisto o mahayag sa mga tao.

Noong ako ay nasa Women's Correctional pa, ang ayaw na ayaw ko ang may makasamang "magkarelasyon" sa dorm.

Lalo naman akong sinusubukan kasi nang maging squad leader ako, natalaga ako sa maraming "magkaka-partner."

"Diyos ko! Takpan N'yo po sila para huwag silang makita at magkasala ang mga makakakita sa kanila at mga makakarinig sa mga ginagawa nila," usal kong dalangin habang ako ay nag-ra-round sa paligid ng dorm sa alanganing oras ng gabi.

"Baliktad yata ang dasal ko, Lord?!" muli kong usal.

Tunay nga na hindi lahat ng "uso" ay dapat na gayahin o tangkilikin gaya ng lesbianism at homosexuality.

Lalo tayong manalangin na nawa'y huwag nang maulit pa ang pagkagunaw ng Sodom at Gomora - nawa'y huwag na tayong gumawa ng kasuklam-suklam na bagy na hindi kanais-nais sa paningin ng Diyos. Beth C.

Pagninilay: Kapatid, nilikha kang lalaki o babae ng Diyos: Walang gitna. Magpakatotoo ka na nang hindi ka ma-OUT sa langit.

Panginoong Hesus, ituwid Mo po ang pusong nag-aalinlangan sa tunay nilang kasarian nang maituwid ang liko nilang pamumuhay.

Friday, March 30, 2007

Paghagis Ng Bato

Maraming beses na akong naghagis ng bato. Ang masaklap pa, ang binabato ko ay si Hesus, ang aking kapwa, at minsan, maging ang aking sarili.

Ang mga malalaking batong inihagis ko ay ang di ko pagtitiwala sa Diyos, paghahari-harian sa buhay ko, pagwawalang-bahala sa pamilya, at di pagkalinga sa mga nangangailangan. Isa sa pinakamalaking batong ipinukol ko ay ang bato ng kayabangan at pagmamataas. May mga bato akong katamtaman ang laki: ang di ko pagiging tapat sa aking relasyon sa Diyos, paninirang-puri sa kapwa, at pagiging waldas. Marami rin akong ipinukol na mga maliit na bato tulad ng di pagsasabi ng buong katotohanan at di pagtupad sa mga pangako.

Anumang laki o liit ng mga batong ito, lahat ay lubhang nakakasakit kapag ipinukol ko na sila. Nangingilabot akong isipin kung gaano ko na nasaktan si Hesus at ang mga taong mahal ko.

Pero hindi pa rin Niya ako iniiwan. Naghihintay pa rin Siya na ang ihagis ko sa Kanya ay mga bulaklak ng mabuting gawain. Tess VA.

Pagninilay: May pangalan ba ang mga bato mo?

Tulungan N'yo ako, Panginoon, na huwag gamitin ang mga bato para saktan Kayo at ang Iyong mga minamahal, pati na ang sarili ko.

Thursday, March 29, 2007

Ingatan Ang Pananalig

Noong nasa kolehiyo pa ako, meron kaming requirement sa Basi Accounting na ang tawag ay Practice Set. Ang Practice Set ay binubuo ng iba't-ibang klaseng mga dokumento ng accounting. Kailangan naming isulat sa talaan ang mga aktual na transaksyon at gumawa ng financial statement. Ang requirement na ito ay basehan ng aming final grade.

Hindi madaling gawin ang Practice Set pero di rin naman siya gaanong mahirap. Natapos ko siya nang maaga at may mga kaklase ako na nagpatulong kumpletuhin ang kanila. Okay lang naman sa akin na tumulong, pero may isa akong kaibigan na gustong kopyahin ang buong Practice Set ko! Aba, hindi nga ako pumayag.

Nagalit siya nang husto sa akin dahil dito.

Para makapasa, kailangan paghirapan ito. Hindi tayo mabibigyan ng magandang marka kung di natin gagawin ang hinihingi sa atin. Ang Diyos man ay gumawa ng kasunduan sa mga Israelita. Sa Genesis 17:4-8 sinabi Niya kung ano ang gagawin Niya para sa kanila kapag tinupad nila ang kanilang papel. Tayo ang mga bagong pinili ng Diyos. Ginagawa ba natin ang dapat? Judith C.

Pagninilay: Ano ang pwede mong gawin ngayon para magkaroon ng mabuting epekto?

Nawa'y mabigyan Ninyo ako ng magandang marka sa karera ng buhay.

Wednesday, March 28, 2007

Maling-mali

May kaibigan ako - itago natin siya sa pangalang Natasha. May sikreto siya ipinagtapat sa akin at kabilin-bilinan niya huwag kong ipagsasabi sa iba. Natupad ko naman ang pangako ko... nang panandalian. Pero nung tanungin ako ng isa pang kaibigan namin tungkol dito, inakala kong may alam rin siya kaya't nagkwentuhan na kami. Mali!

Nang mapag-isipan ko ang nagawa ko, nagkunwari akong wala akong ginawang mali, kasi magkaibigan naman kaming tatlo. Sabi ko sa sarili ko na di naman magagalit si Natasha. Mali na naman!

Kalauna'y napatawad na rin ako ni Natasha, ngunit nahirapan akong maniwala na kinalimutan na niya ang ginawa ko.

Ganito ako kapag nakakagawa ng kasalanan. Alam ko namang may kahihinatnan ang kasalanan ko...at alam ko ring patatawarin ako oras na magsisi. Ngunit ang una kong reaksyon ay pagwawalang-bahala o kaya'y matinding "guilt," mga damdaming di ko gusto. Pakiramdam ko'y inililista ng Panginoon lahat ng kasalanan ko, at gaya ko, hindi Niya makakalimutan ang mga ito.

Diyan ako talagang maling-mali! Tina M.

Pagninilay: Alam mo bang pinalaya ka na ni Hesus?

Tulungan Niyo akong mahalin at patawarin ang aking sarili, tulad ng pagpapatawad Ninyo at pagmamahal sa akin.

Tuesday, March 27, 2007

Bilangin Ang Biyaya

Ang paggising natin sa umaga ay biyayang walang katulad...ito ay milagro.

Isipin natin, hindi ba't napakapalad natin na: Kaya nating maligo na may mainit at malamig na tubig sa gripo (habang may iba na nag-iigib pa); nakahanda na ang ating almusal (habang marami ang di pa malaman kung saan kukuha ng kakainin sa maghapon); may sarili tayong sasakyan (habang may mga taong naglalakad ng napakalayo para makarating sa pupuntahan); may mainit tayong makakain sa tanghalian (habang maraming nagtatrabaho sa init ng araw para kumita ng pera); nakakaidlip pa tayo sa hapon o nagkakape pa (habang marami ang hindi nakakakain at nakakapahinga); nakakauwi pa tayo sa gabi para maghapunan kasama ang pamilya at manood ng TV (habang ang ibang walang TV ay matutulog na lang para harapin ang isa na namang matinding araw ng kahirapan kinabukasan).

Talaga namang mapapalad tayo. Kaya bilangin natin ang ating mga biyaya sa halip na magreklamo. Henry Y.

Pagninilay: Binilang mo na ba ang mga biyaya mo ngayon?

Para sa mga panahon na nalilimutan namin Kayong pasalamatan at nagrereklamo pa, patawarin N'yo kami.

Monday, March 26, 2007

Kaibigan Nga Ba?

"Hindi ko sila mga kaibigan. Mga kapatid ko lang sila."

Nararamdaman ba ninyo ang panunuya sa mga salita ni Harold? Sino ba ang tinutukoy niya? 'Yung mga pinuno at ibang miyembro ng kanilang Catholic community. Ganito kasi yun. Bakla si Harold at naghahanap siya ng lugar kung saan wala siyang takot na ipakita ang lahat ng kahinaan niya. Akala niya, ang pagsali sa isang Catholic community ay makakatulong sa kanya na mabuhay ng banal. Subalit sa umpisa lang niya naramdaman ang pagtanggap ng grupo. Sa kalaunan, napapansin na nila na malambot siya, at kapag nagbabahagi siya kung gaano kahirap talikuran ang tukso, naiilang ang mga "kapatid niya sa Panginoon." Kaya lumalayo sila sa kanya. Minsan ay nakita pa niya na mag gumagaya sa pagsasalita at pagkilos niya. Nagpasya siyang tuluyang lisanin ang kanyang komuninad at magpakabakla na lang.

Ipinaaalala ng ating ebanghelyo ngayon na suriin natin ang mga itinuturing nating handog. Dahil nakakalungkot isiping "kapatid" lang ang turing sa atin at hindi kaibigan. Marahil ay labis tayong nakatuon sa mga panlabas na katangian, na nalilimutan na nating magmahal ng tunay. Tandaan nating ang isang "kapatid" ay dapat na higit na mapagmahal kaysa sa isang kaibigan. Roy M.

Pagninilay: Sino ang mga kapatid mo sa na kailangang-kailangan ng suporta?

Sa mga panahong nanghusga ako, patawarin Ninyo ako.

Sunday, March 25, 2007

Mag-umpisa Muli

Hindi madaling magsimula muli. Kapag nawasak na ang buhay mo, mahirap pulutin ang mga natitirang piraso sa paligid at kalooban mo para sa muling bumuo. Dahil dito, marami sa atin ang hindi makatakas sa nakaraan. Nabubuhay tayo na puno ng puot, hinanakit at pagsisisi sa ating mga nagawa. Di tayo makawala sa paikot-ikot na di pagpapatawad - ng ating sarili at ng iba. Ang mga ito rin ang pumipigil sa atin para magpatuloy.

Ang mensahe ng Diyos sa atin ngayon ay isang mensahe ng pag-ibig at pag-asa. Mas dakila ang pag-ibig ng Diyos kaysa sa ating nakaraan. Mas malawak ang pananaw ng Diyos at kahit may mga mali tayong nagawa at may puot, nagagamit Niya ang mga ito - maging ang ating mga kalakasan - pagandahin at palaguin para sa ating buhay espiritwal.

Minsan, hinahayaan ni Hesus na tayo ay mabigo para mas mahalin Niya tayo. Kung perpekto na ang mga buhay natin, baka di na natin kailanganin si Hesus. At pagkatapos ng mga unos ng buhay, inaakay Niya tayo para ipakita ang kanyang bagong likha. Tunay ngang maganda! Coltics C.

Pagninilay: Anong bahagi ng iyong nakaraan ang hindi mo makalimutan? Hayaan mong pagalingin ka ng Panginoon.

Tulungan Niyo akong makita na hindi dinidikta ng nakaraan ko kung sino ako. Hayaan Niyo na gawin akong bagong likha ng Inyong pagmamahal.

Saturday, March 24, 2007

Makinig!

Ahente ako ng isang insurance at pre-need plans. Isa sa mga inaalok kong bumili ay ang dati kong ka-opisina na si Ate Cindy. Inalok ko siya ng Life Plan. Gusto niyang kumuha pero di para sa sarili niya kundi para sa kanyang nanay na may malubhang sakit. Subalit wala pa siyang pera.

Isang araw, naisipan kong tumawag muli sa kanya. Baka naman kaya na niyang kumuha ng plan. Ngunit nabalitaan kong malala na ang kalagayan ng nanay niya. Naramdaman ko na hindi mainam na solusyon ang pagbili niya ng plan. Naramdaman ko na ang gusto ng Panginoon ay i-refer ko siya sa isang memorial chapel na may mga murang "at need" package.

Kinaumagahan, nagtext na si Ate Cindy. Yumao na ang kanyang ina. At dahil nakapag-usisa na siya sa memorial chapel bago ito nangyari, hindi na naging problema ang pag-aasikaso sa labi ng kanyang ina.

Dahil sa pangyayaring ito, natutunan ko na sa buhay - at sa negosyo - ang importante ay maging madaling makadama ng pangangailangan ng iba. Hindi sa laki ng kikitain natin kundi kung gaano tayong nagmahal ang pinaka-importante. Judith C.

Pagninilay: Nakikinig ka ba ng mabuti sa mga bulong ng Espiritu Santo?

Salamat sa paggabay Ninyo sa akin at sa pagiging instrumento ng Iyong paggabay sa ibang tao.

Friday, March 23, 2007

Pistang Bayan

Tuwing may pista sa bayan natin, iniimbita natin ang mga kaibigan, kamag-aral o katrabaho. Naglalagay pa tayo ng mga dekorasyon at nagluluto ng mga masasarap na pagkain. May mga palaro, at puno ng kasayahan at tugtugan ang araw na iyon.

Ngunit kadalasan, nalilimutan nating "pakainin" ang ating mga espiritu sa araw ng pista.

Hindi ba't ang dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang pista ay para maalala ang buhay ng patron ng bayan at para pasalamatan ang Diyos para sa kanyang halimbawa?

Sa susunod na pista, subukan kaya nating mag-imbita sa ating bahay ng mga mahihirap nating kapitbahay o kaya'y mga batang palaboy. Ipagdiwang natin ang tunay na kahulugan ng pista. Sigurado ako na sa ganitong paraan, talagang makikipista si Hesus sa atin. RosAnn J.

Pagninilay: Habang tayo ay nakikipista, huwag nating kalimutan ang dahilan ng pagdiriwang.

Salamat, Panginoon, sa mga santo na ibinigay Niyo para maging aming modelo.

Thursday, March 22, 2007

Katulad Ni Moises

Kapag kausap ako ng lola ko tungkol sa nanay ko, madalas niyang sabihin, "Naku, 'yang nanay mo..." Sasabat naman ako, "Ibig niyo bang sabihin ang anak n'yo?" Tumatawa na lang siya.

Kung ang nanay ko naman ay may sinasabi tungkol kay Tatay, sinasabi niya, "Hay! 'Yang tatay mo..." at hirit ko naman, "Ah yung bang pinakamamahal n'yong asawa?"

Gusto ko lang sanang makita nila na ang ating paraan ng salita ay nahubog na magpasa ng sisi sa ibang tao. Para bang gusto natin parating sabihin, "Kasalanan mo kung may gawin siyang masama. Wala akong responsibilidad sa taong iyan."

Mas mainam kung aaminin natin na tayo ay may pananagutan din, sa masama man o magandang inaasal ng taong ito. Katulad ni Moises. Inako niya ang responsibilidad niya sa mga Israelita. Alam niyang nararapat silang parusahan kaya't hindi na niya hinintay na lipulin sila ng Diyos. Bilang pinuno, inako niya ang tungkuling magparusa sa kanila, at dahil dito, maging siya ay nagdusa.

Kaya ba nating maging katulad ni Moises? Jomar H.

Pagninilay: Katulad ka ba ni Moises?

Turuan Niyo akong gayahin si Moises sa pamumuno niya na galing sa kapangyarihan mo at sa pagmamahal.

Wednesday, March 21, 2007

Huwag Kalimutan

Sa dami ng inaasikaso ng isang ina, malamang meron siyang malilimutan. Oo, kahit sarili niyang anak. Nakarinig na ako ng mga kwento ng mga ina na nakalimot sunduin ang anak sa eskwela, naiwan nila sa tindahan ang anak nila. May isa, nalimutang pumunta sa graduation ng anak niya at wala siya upang ikabit ang medalya sa anak niya. O kaya nakalimot paghandaan ng pagkain ang pamilya.

Naranasan ko rin yan sa sarili kong ina. Hindi ko naisip na aabot sa panahon na malilimutan niya kung sino ako. May Alzheimer's disease kasi ang nanay ko. Una, nalilimutan lang niya ang mga sinabi ko. Kalaunan, pati na kung saan ako nakatira. Nung grumabe na, nalimutan na niya ako kung sino ako.

"Ano? Anak kita?" tanong niya sa akin na tila hindi ako naniniwala. Nang umoo ako, ang sagot niya, "Oww?"

Mahirap isipin na malilimutan ng isang ina ang kanyang anak. Pero nangyari sa akin. Ngayon, isipin mo kung anong ibig sabihin ng Diyos nung sinabi Niya na hindi Niya tayo malilimutan.

Naalala Niya ang lahat ng pangako Niya.

Naalala Niyang basbasan tayo. Naalala Niyang protektahan tayo. Naalala Niyang bigyan tayo. Hindi Siya nakakalimot. Rissa S.

Pagninilay: Naniniwala ka ba na kayang tupdin ng Diyos ang lahat ng sinabi Niya?

Banal na Espiritu, ipaalala mo sa akin ang lahat ng pangako ng Diyos.

Tuesday, March 20, 2007

Diyetang Pangkaluluwa

"Sinunod mo ba ang diyeta na binigay ko sa iyo?" tanong ng doktor.

"Opo, dok." sagot ng pasyente.

"Eh bakit iba ang sinasabi ng mga test results mo?"

"Eh dok, di naman masama kung patikim-tikim lang, di ba?"

May mga bagay sa mundo na ang hirap tiisin kahit alam nating makakasama sa atin. Kinukumbinsi natin ang ating mga sarili na kaya nating pigilan ang ating mga hilig ngunit madalas ay di ito nangyayari.

Maraming ibinubunga ang kasalanan. At kung di tayo mag-iingat, baka masilo tayo sa bitag ng demonyo. Kailangan nating manindigan na umiwas sa kasalanan. Hindi sapat ang subok lang; dapat buong tapang at lakas natin itong iwaksi kung gusto nating makalaya.

Ang isang matalinong tao ay marunong lumayo sa ano mang bagay o sitwasyong magpapahamak sa kanya. Ang taong may pagmamahal sa Panginoon ay sisikaping hindi mabahiran ng dungis ni Satanas. Jane G.

Pagninilay: Ilang beses mo na bang ikinumpisal ang kasalanang iyon at iyon din ang ikinukumpisal mo?

Panginoon, hawakan Ninyo ako sa harap ng tukso, at bigyan ako ng lakas para labanan ito.


Monday, March 19, 2007

Radikal Na Pagsunod

Sa Sam (di n'ya tunay na pangalan) ay nag-volunteer sa isang ministry para sa mga bayarang babae. Nakilala niya ang isa sa mga babae doon, at kahit ganoon ang kanyang propesyon, umibig si Sam sa kanya dahil nakita nya ang kagandahan ng kanyang puso.

Ikinasal sila at nagkaroon ng mga anak. Ngayon, dalawa na sila na naglalakbay sa buong mundo para magbigay payo sa mga babaeng nabubulid sa prostitusyon.

Totoong kwento ito at hindi kathang-isip lang.

Si Jose rin ay hindi nag-atubiling sundin ang utos ng Panginoon. Nagpakasal siya kay Maria kahit na ito ay nagdadalang-tao. Si Sam at si Jose ay parehong hindi nakinig sa mga sinasabi ng mga tao sa paligid nila.

Tinatawag tayo ng Panginoon na maging katulad nila. May ipinapadala rin Siyang mga anghel na kailangan nating pakinggan para masunod ang kalooban Niya. Cristy G.

Pagninilay: Kaya mo bang makinig at sumunod sa Diyos ng walang pasubali?

Kayo, Panginoon, ay maaring maghusga. Pero paaalahanin Ninyo ako parati na wala akong karapatang humusga sa iba.

Sunday, March 18, 2007

Bagong Likha

Si Francis ay isang makamundong tao. Wala siyang pananagutan maliban sa kanyang sarili. Nagtatrabaho siya sa umaga at nagwawala sa gabi. Alak at babae ang inaatupag pagkatapos na trabaho. Mahilig rin siyang kumanta, lalo na kung lasing na.

Tulad ng ina ni San Agustin, ang nanay ni Francis ay naglalakad ng paluhod para sa pagbabago ng kanyang anak. Bawa't gabi ay hinihintay niya itong umuwi at minsan ay sinusundo sa mga bar kapag di na makalugapay sa kalasingan.

At kung paano pinakinggan ng Diyos ang dasal ni Sta. Monica makalipas ang maraming taon, tinugon din ng Diyos ang mga panalangin ng ina ni Francis. Ngayon ay mahilig pa rin siyang kumanta at sumayaw. Ngunit ito'y mga awit at sayaw ng papuri sa Diyos, kasama ang kanyang mga bagong mga kaibigan na nakikibahagi rin sa kanilang bagong buhay.

Si Francis ay naligaw, ngunit muling nasumpungan. Chelle C.

Pagninilay: Kailan ka iniligtas ng Panginoon sa kadiliman?

Sa pinakamababang lugar na aking kinaroroonan, itinasa Niyo ako. Salamat, Panginoon

Saturday, March 17, 2007

Ang Tagapagbalita

"Ang tapang niya," sabi ng asawa ko habang nanonood kami ng balita. Ang tinatawag niyang matapang ay ang tagapagbalita na sumulat ng ulat tungkol sa mga makapangyarihang pulitiko.

Kilala ko ang correspondent na iyon. Mahal niya ang kanyang trabaho, at hangarin niya talaga ang ihayag ang katotohanan, kahit ano pa ang mangyari. "Kaya siya ganoon dahil hindi siya takot mamatay," sabi ko sa asawa ko.

Bigla akong natahimik. Tinanong ko ang sarili ko king ganoon ko ba kamahal ang trabaho ko na kaya kong gawin ang ginagawa ng tagapagbalitang ito. Naisip ko rin kung sapat ba ang pagmamahal ko sa Panginoon na handa akong mamatay para sa aking pananampalataya. Dahil sa ngayon, ang hinihingi sa akin ng Diyos ay mamatay ng konti lang - gaya ng huwag maging mainggitin, huwag maging mainitin ang ulo o huwag maging banidosa.

Oo, gusto ng Diyos na mahalin ko Siya nang lubos at buong tapang na baguhin ang aking ugali. Wala Siyang ibang hinihingi. Cynthia S.

Pagninilay: Gaano ka katapang?

Palakasin Niyo ako, Panginoon. Gawin Niyo akong matapang sa pagtalikod sa aking masasamang ugali.

Friday, March 16, 2007

Langit Sa Lupa

Isa sa pinakamatalik kong kaibigan na si Jed ay namatay ng napakabata dahil sa isang malubhang sakit. Gusto kong ibahagi ang sulat na ibinigay ko sa kanya bago siya lumisan:

Isa sa mga paniwala ko bilang Kristiyano ay ang lahat ng bagay na nagaganap sa ating buhay ay bahagi ng plano ng Diyos. Alam mo ba ang kinahihinatnan ng planong ito? Gusto Niya na makabuo tayo ng isang komunidad ng pagmamahal para sa Kanya at isa't-isa. Gaya ng sakit mo. Mahirap siyang dalhin, pero hindi ba dahil dito ang dami mo ring natanggap na biyaya? Lahat ng mahal mo sa buhay ay nandiyan para sa iyo. Naramdaman mo na kung ano ang ibig sabihin ng langit sa lupa. Bagama't wala tayo sa ganap na kundisyon tulad ng sa langit, mayroon naman tayong dalisay na pagmamahal na babago sa atin. Nasa iyo ang kakayahang gawin ito.

Oo, sa kabila ng ating mga kahinaan, alitan, paghihirap at lungkot, maaari pa rin nating ipagsabi na nakatira tayo sa Kaharian ng Diyos. Kailangan lang na mahalin natin ang Diyos at ang isa't-isa. Ganyan lang ka-simple. Cotics C.

Pagninilay: Makapasok lang tayo sa kaharian ng langit kapag tayo ay namatay na. Pero ang kaharian ng Diyos ay nagsisimula na sa atin.

Mahal Kita, Panginoon. Ipakita Mo sa akin kung papano ko maipapadama sa iba na mahal ko rin sila.

Thursday, March 15, 2007

Nanigas Na Kaluluwa

Tuwang-tuwa ako dahil ngayon lang ako makakabisita ng Amerika nang taglagas. Lagi kasing tag-init kung pumunta kami roon.

Lahat na yata ng mga kamag-anak ko't kaibigan ay nagtext sa akin na magdala ng makakapal na damit. Nakulili ang tenga ko sa mga paalala nila na kailangan patung-patong ang mga damit ko dahil ito na raw ang pinakamatinding lamig na mararanasan ko sa tanang buhay ko.

Pinakinggan kong lahat ng payo nila. At hindi ako namatay sa lamig. Nakinig ako at nabuhay. Bagama't gininaw pa rin ako, dahil sa payo nila, buhay pa rin ako.

Madalas, bibigyan din ako ng Panginoon ng mga paalala kapag may suliranin ako. Kaya lang, dahil hindi naman ako maninigas sa lamig kapag hindi ko Siya pinakinggan, mas madali ko Siyang balewalain.

Pero hindi ba't ang hindi pagsunod sa Diyos ay parang desisyon na rin na magpakamatay? Bakit hihintayin ko pang mapunta ako sa pinakamadilim at pinakamalamig na hukay bago ako makinig? Anna G.

Pagninilay: Binabalewala mo ba ang mga utos ng Panginoon?

Turuan Niyo akong makinig at sumunod sa Inyo.

Wednesday, March 14, 2007

Ipasa Mo

Noong nasa Florence, Italy ako nung isang taon, naligaw ako at nakasakay ako sa isang bus na konti ang pasahero. May mag-asawang Pilipino na sumakay din sa bus at kasama nila ang kanilang anak na tatlo o apat na taong gulang. Nagulat ako na Tagalog ang salita nila sa bata. At tinuturuan pa nila na huwag kalimutan na magmano kay Lola pagdating nila sa bahay. Di lang iyon. Itinuro pa nila ang isang binatilyo na may hawak na bote ng beer sa loob na bus. Tinanong nila ang bata kung gagawin ba niya yun paglaki niya. Sumagot naman ang bata na hinding-hindi siya iinom ng alak kahit na malaki na siya.

Do ko alam kung matutupad ng bata ang pangako niya. Pero humanga ako sa mga magulang niya na patuloy na itinuturo sa kanilang anak ang mga mahahalagang bagay na natutunan nila sa Pilipinas kahit nasa ibang bansa na sila. Siguro natutunan din nila ito sa kanilang mga magulang.

Paano nga ba tayo makatitiyak na ang mga pinahahalagahan natin ay mananatili kahit wala na tayo? Ipasa natin ito sa mga bata. Victoria L.

Pagninilay: Naniniguro ba tayo na kung ano man ang mahalaga sa atin ay naipapasa natin sa mga sumusunod na henerasyon?

Sana nawa'y ang mga biyaya ng ibinigay Niyo sa akin ay maipasa ko sa iba.

Tuesday, March 13, 2007

Pagpapatawad

Disyembre 2005. Isa ito marahil sa pinakamasakit na panahaon para sa aming mag-asawa. Nagkaroon kami ng problema sa aming mga kamag-anak at isang araw matapos ang Pasko, nagkaroon ng alitan. Pinag-uusapan kasi kami ng iilan sa kanila at ang iba naman ay hindi kami kinakausap.

Bagama't humingi ako ng paumanhin, kailangan pa ring gumawa kami ng aksyon para maayos ang gusot. Para magawa namin ito, kailangan muna naming lumayo sa gulo at planuhin kung ano ang layunin namin sa darating na taon.

Matapos magsimba ay napadpad kami sa isang kainan. Doon nagdasal kami nang taimtim para sa mga nakasakit sa amin. Dahil dito, naging payapa kami at marami kaming napag-usapan. Nakapagpasya kami na magpatawad at hindi ito naging gaanong kahirap.

Isa sa aming mga leader, si Nancy Dornan, ang nagsabi: "Ang di pagpapatawad ay gaya ng pag-inom ng lason at pagdarasal na yung isang tao ang mamatay."

Aray! Ariel D.

Pagninilay: Ang di pagpapatawad ay gaya ng pag-inom ng lason at pagdarasal na yung isang tao ang mamatay.

Magdedesisyon ako ngayon, Panginoon, na magpatawad sa lahat ng nakasakit sa akin at ipagdarasal ko na biyayaan Mo sila.

Monday, March 12, 2007

Sa Amin O Sa Inyo?

Naalala ko si Rod nung mabasa ko ang talatang ito. Isa siyang doktor na dalawang taon ang tanda sa akin. Nang makatapos siya ay agad siyang nagsanay bilang resident doktor. Matapos ito ay umuwi siya kaagad sa Ozamis para magsilbi doon.

Masigla siyang nagtayo ng sarili niyang klinika. Subalit ang nakakalungkot, hindi siya tinangkilik ng mga taong nakakakilala sa kanya. Binigyan niya ang sarili ng dalawang taon at baka sakaling magtagumpay.

Sa loob ng dalawang taon na iyon, nakilala niya si Ellen na taga Tacloban. Sa amin, o sa inyo? Yun ang naging tanong. Pagkatapos ng kasal, lumipat si Rod sa Tacloban at nagtayo ng klinika. Tatlumpu't limang taon na sila roon, at doon siya nagtagumpay.

Ganoon din ang nangyari kay Hesus. Dahil kilala Siya ng kanyang mga kababayan, hindi sila maniwala na Siya ang Mesiyas. Bakit nga ba? Hindi ba ordinaryong tao lang Siya mula sa isang ordinaryong pamilya? Ang pagkakilala nila sa Kanya ay naging hadlang upang malaman nila ang tunay Niyang katauhan. Henry Y.

Pagninilay: Hindi man ako tanggap sa sarili kong bayan. ang Panginoon ay hindi ako itatakwil kahit kailan o saan pa man.

Paalalahanan Niyo ako, Panginoon, na sa kabila ng lahat, ako ay Iyong anak at Ikaw ang aking Ama.

Sunday, March 11, 2007

Trahedya

Noong pumutok ang Pinatubo, maraming Kristiyano ang nagsabi na nangyari ito dahil kailangang "linisin" ang Olongapo.

Nang maganap ang tsunami at maraming resort sa Thailand at ibang bansa ang nasalanta, anila'y parusa raw ito sa kanila dahil sa kasalanan ng prostitusyon.

Sa ating mga karanasan, kapag pumalpak ang isang proyekto natin, o mayroon tayong nabalitaang may malubhang sakit at di siya gumagaling kahit maraming nagdadasal, di ba hinihinala natin na dahil ito sa mayroong mabigat na kasalanan?

Ang mga pagbasa ngayon - pati na ang 1 Corinto 10:13 - ay nagsasabi na walang isa man sa atin ang may karapatang magsabi na mas malinis tayo kaysa sa iba. Lahat tayo ay nagkasala. At lahat tayo ay maaring masangkot sa trahedya gaya ng Pinatubo, magkasakit nang malubha at hindi gumagaling, o kaya ay pumalpak sa isang proyekto.

Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating magpakumbaba at aminin ang ating mga kahinaan. Sa ganitong paraan, anumang oras na dumating muli si Hesus, may mga bunga Siyang madadatnan sa atin. Victoria L.

Pagninilay: Ako ba ay nagmamalinis at nag-iisip na mas makasalanan ang ibang tao kaysa sa akin?

Turuan Niyo po ako na tumingin lamang sa kahinaan ko at hindi sa iba.

Saturday, March 10, 2007

Awang Di-matarok

Maraming beses na nating narinig ang kwentong ito. Lumayas ang anak, winaldas ang pera, naghirap at nagutom, umuwi na puno ng pagsisisi at handang magsilbi bilang alila. Ngunit naghihintay pala ang kanyang ama, at kaagad siyang niyakap. Pambihira! Sinong magsasawa sa kwentong ito? Ito ang kwento nating lahat.
Alam naman nating patatawarin tayo ng Diyos, pero bakit ayaw pa rin nating magbalik loob sa kanya?
Isang dahilan na madalas kong marinig: Masyado nang marami at malalim ang mga kasalanan ko. Di ako karapat-dapat na patawarin.
Matagal na akong deboto ng Banal na Awa dahil ako ay naniniwalang maaabot ko ang Langit hindi dahil sa ako'y karapat-dapat kundi dahil lamang sa Kanyang di-matarok na banal na awa! Ito ang handog Niya sa atin dahil Siya ang ating Ama. Alvin B.
Pagninilay: "Kung ang ating kaluluwa ay tulad sa katawang nabubulok, na sa tingin natin ay di na muling mapanumbalik, hindi ganoon ang tingin ng Panginoon. Ang himala ng banal na awa ni Hesus ang mapapanumbalik sa atin ng lubusan." - St. Faustina
Maawa Ka sa amin at sa buong mundo...Hesus, Hari ng Awa, nagtitiwala ako sa Iyo.

Friday, March 9, 2007

Ang Aking Mangangaral

Ang asawa kong si Jon ay isang mangangaral. Binatilyo pa lang siya noong nakilala niya si Hesus. Alam kong labis niyang mahal ang Diyos, dahil maging ako ay inilapit niya sa Kanya. Noong dati kaming magkaopisina, ikinuwento niya sa akin ang kanyang buhay-Kristiyano. Nakumbinsi niya akong sumali rin. Alam niyo na ang sumunod.

Ngayon, siya ang National Mission Director ng grupong Familia. Mga single professionals sa buong Pilipinas ang hawak niya. Gustong-gusto niya ang tungkulin niyang ito, dahil alam niyang dito siya tinatawag ng Panginoon. Tinuturuan niyang maging mga susunod na pinuno ng komunidad ang kanyang mga miyembro, at alam niya kung kailan sila handa para ipadala sa iba't-ibang probinsiya upang magpahayag ng salita ng Diyos.

Dahil tinawag siya ng Diyos at agad siyang sumunod. Mapalad ako at si Jon ang napangasawa ko. Wala na akong hihilingin pa. Marissa E.

Pagninilay: Tinatawag ka ba ng Panginoon para gampanan ang isang misyon? Huwag mag-alinlangan. Tumalima kaagad!

Pagpalain po Ninyo ako! Palawakin Ninyo ang aking lupain. Ilayo Ninyo ako sa kapahamakan para hindi ako mahirapan.

Thursday, March 8, 2007

Gusto Mo Maging Boss?

Nakakatamad ang Monopoly. Masyadong matagal laruin. At ano nga bang nakukuha mo? Mga karton na "pag-aari" daw at "gusaling" ni daliri mo ay di magkasya, at maraming perang papel na di naman makabili ng kendi sa kanto.

Sa ebanghelyo natin ngayon, ang mayamang mama ay nasa impiyerno hindi dahil sa kayamanan niya, o dahil may ginawa siyang masama kay Lazarus. Naroon siya dahil wala siyang ginawa. Hindi siya nagmahal. Marami nga siyang pag-aari, gusali at pera, pero ang lahat ng ito'y nawalan ng saysay at nagmistulang siga sa apoy ng impiyernong kanyang kinasadlakan.

Si Lazarus naman ay kapiling na ng Panginoon at naglilingkod sa tunay na "Boss." Ang kanyang kwalipikasyon: Tinanggap niya ang pag-ibig ng Diyos at ibinahagi ito.

Akala ng mayaman na kaya pa niyang utus-utusan si Lazarus na nasa langit kahit siya naman ay nasa impiyerno. Ngunit ang pagiging "bosing" sa lupa ay walang kahulugan sa mata ng langit. Dahil doon, si Hesus lamang ang tunay na Amo ng lahat. Jon E.

Pagninilay: Gusto mo maging tunay na Boss? May "K" ka ba?

Tulungan N'yo akong mahalin ang mga taong nakakasama ko. Ang aking mga katrabaho, mga pulis trapiko, ang aming kasambahay, ang aking pamilya...

Wednesday, March 7, 2007

Masayang Naglilingkod

Medyo magulo ang naging takbo ng aking karera. Tapos ako ng kursong Nursing pero naging telemarketer, sales coordinator, marketing assistant at marketing manager, bago ako nawalan ng trabaho. Pagkatapos, naging nurse volunteer, nurse sa pamahalaang ospital, at ngayon ay isang nurse-teacher o clinical instructor.

Tinatanong ko nga ang Diyos kung ano ba talaga ang gusto Niya para sa akin. At natuklasan kong sa lahat ng naging trabaho ko, isa lang ang mensahe Niya: Magsilbi at magbigay buhay sa marami.

Nag-marketing ako para makatulong magpaaral ng mga kapatid ko. At nang makatapos na sila, sinunod ko ang puso ko at bumalik sa nursing. Masaya akong nagsisilbi sa mga maysakit at mahihirap hindi lang "kahit na" kundi "dahil sa" hindi ako nababayaran. Pinili kong pumasok sa pamahalaang ospital upang lalong makapaglingkod, magtiis at magtrabaho. Ang nagbibigay sa akin ng lakas ay ang di maipaliwanag na ligaya na maglingkod kay Hesus sa mga dukha.

Totoo ngang ang sekreto ng J-O-Y ay: J=Jesus, O=Others, Y=You. Ang lakas ko ay galing kay Hesus, sa paglilingkod sa iba, at sa kagalakang nararamdaman ko sa loob. Joie C.

Pagninilay: Gusto mo bang lumigaya? Maglingkod at magmahal gaya ni Hesus?

Turuan Niyo akong maging mapagbigay...na 'di tinutuos ang halaga.

Tuesday, March 6, 2007

Ang Lihim Na Kalaban

Katatapos ko lang mamuno sa "baptism" sa isang Life in the Spirit Seminar at sobra ang gutom at pagod ko. Pumasok ako sa unang kainan na nakita ko at kumain na parang walang bukas.

Habang humihigop ako ng sabaw at nagbabasa ng aklat, nakita kong tinititigan ako ng isang malaking mama na nakakunot ang noo. Gustong kumawala ng aking pagkabarumbado, ugaling akala ko'y naalis ko na. Tinitigan ko rin siya, hindi talaga tumitigil si King Kong. Muntik ko na sana siyang hamunin, "Anong problema mo, pare?"

Biglang nagsalita ang mama, "Ikaw ba 'yung nagsalita sa LSS namin kanina? Sorry nakatitig ako ha? Hindi kasi kita makilala dahil di ko suot ang aking salamin."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Napalitan ng matinding hiya ang galit ko, at niyakap ko na lang siya.

Humingi ako ng tawad sa Panginoon. Napagmuni-muni ko na habang nabubuhay tayo, hindi natin lubos maiwasang gumawa ng masama. Kaya't lagi nating kailangan ang awa at patnubay ng Diyos. Dahil sarili natin ang pinakamatindi nating kaaway. "Kinakailangang Siya'y maging dakila, at ako naman mababa." (Juan 3:30) Obet C.

Pagninilay: Kapag tiningnan tayo ng mga tao, maaalala ba nila ang Diyos?

Baguhin Niyo ang aking puso. Nawa'y maging tulad sa Inyo.

Monday, March 5, 2007

Simple Lang Yan

Isang tingin lang sa tao at may opinyon ka na sa pagkatao niya.

Malinis ang mga kuko nya: Malinis siyang tao.
Payak manamit: Simpleng tao 'yan.
May bagong kotse: 'May kaya!"
Diretso ang buhok niya: "Baka nakapag-asawa ng mayaman." (Sabi sa patalastas!)

Pero pwede itong maging komplikado...

Maingay at (KSP) kulang sa pansin: Siguro miserable siya nung bata; mahirap siyang maging kaibigan.
Mahiyain: Baka inabuso siya nung maliit sya, di ko na lalapitan.

"Yang mag-asawang yan? Di sila malambing sa isa't-isa. Siguro di sila minahal nung bata. Kawawa naman ang mga anak nila, magiging konsumisyon din."

Ganito ang mga iniisip ko. Nakakahiya. Maaaring mali lahat ng mga ito dahil hindi ko naman kayang unawain ng lubos ang sinuman. Ano ang dapat kong gawin? Maging mahabagin at maunawain. Tumanggap. Magpatawad. Magmahal.

'Yun lang! Lallaine G.

Pagninilay: Madalas ba akong maghusga?

Linisin Ninyo ang aking pag-iisip, at turuan akong tingnan ang aking mga kapatid gaya ng pagtingin N'yo sa kanila.

Sunday, March 4, 2007

Huwag Kang Matulog

Mayroon akong pinapagawa sa mga estudyante ko na nakakaaliw. Kailangan nilang isulat ang kasagutan sa tanong na ito: "Kung ikaw ay binigyan ng pagkakataong maging Diyos sa loob ng isang araw, ano ang mga gagawin mo?"

Sagot ng iba, pakakainin nila lahat ng nagugutom sa mundo. May nagsasabing gagawin nilang mayaman ang mga mahihirap at ang mayayaman ay gagawing mahirap, kashit isang araw lang. May mga iilan na lilikha ng bago at mas magandang mundo. Minsan ay may nakita akong estudyante na natutulog. Nilapitan ko siya para gisingin at tapusin ang kanyang seatwork. Laking gulat ko nang mabasa ko ang sinulat niya. Isa lang ang sagot niya: "Kung ako ang Diyos sa loob ng isang araw, ako ay matutulog."

Marami tayong bagay at oportunidad na di-makakamit kung tulog tayo nang tulog. Maging ang presensya ng Panginoon ay di natin mapapansin. Baka nga tulog ka ngayon pero di mo lang alam. Tanungin mo ang iyong sarili: "Anong bahagi ng buhay ko ang tulog at marami na pala akong di nakikita?"

Kaibigan, gumising ka at damhin ang Kadakilaan ng Panginoon sa buhay mo. Arun G.

Pagninilay: Ang taong ganap na buhay ay Luwalhati ng Diyos.

Gisingin Mo ako, Hesus. Gusto kong makita ang Iyong kaluwalhatian.

Saturday, March 3, 2007

Ipagdasal Ang Mga Umaapi

Parang ang daling sundin, ano? Ipagdarasal mo lang naman ang mga umaapi sa iyo. Subalit ano ba talaga ang hinihingi ni Lord sa atin? Sabi sa Amplified Bible version: "Pagpalain niyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang kabutihan ng mga umaapi sa inyo
(Lucas 6:28).

Teka, iba na ito a! Hindi ko na yata kayang gawin ito!

Naalala ko nung unang beses na sinubukan ko itong gawin, halos dumugo ang ilong ko bago ko sinabi, "Panginoon, basbasan mo po ang aking kaaway, at ipagkaloob sa kanya ang lahat ng mga biyayang nais mong ipagkaloob sa akin."

Mahirap talagang himingi ng biyaya para sa mga kaaway natin ng higit pa sa hinihiling natin para sa ating sarili. Subalit kapag nagawa natin ito, ipinapakita natin ang ating pagtitiwala na marunong ang Diyos at alam Niya kung ano ang pinakamabuti sa atin. At dahil tayo ay sumusunod sa utos Niya, lalo Niya tayong bibiyayaan. Rissa S.

Pagninilay: "Kung tayo ay iniinsulto, hindi sapat ang hindi natin pagdamdam nito; kailangan gawin pa natin itong pagkakataon na iwagayway ang Anak ng Diyos." (Oswald Chambers)

Panginoon, biyayaan N'yo ang lahat na umaabuso at nang-iinsulto sa akin. Bigyan Niyo sila ng kalusugan, ng magandang buhay at lahat ng ibig nila. Biyayaan Niyo ng tagumpay ang lahat ng paghihirap at pagtitiyaga nila.

Friday, March 2, 2007

Handang Makipag-ayos

Kung literal kong babasahin ang talatang ito, siguradong marami akong handog na iiwanan sa altar at di ko na mababalikan pa. Ngayon ay alam niyo na kung paano karami ang mga taong walang balak makipagkasundo sa akin.

Gayunpaman, naniniwala akong hindi ang lubos nating pakikipagsundo sa ating mga kaaway ang hinihiling ng Diyos sa atin. Gusto lang niya na tayo mismo ay handang makipag-ayos sa mga taong may galit sa atin. Ang ipakita natin at aminin na tayo rin ay nagkulang at naging sanhi ng sama ng loob ng iba, ay isang kababaang-loob. At kung tayo ay handang gumawa ng unang hakbang upang makipagkasundo, maaari na tayong bumalik sa altar at maghandog sa Panginoon.

Pagpapakumbaba at pagmamahal. Ang mga ito ang hinihinging alay ni Hesus sa atin...lalung-lalo na sa mga may galit sa atin.

Sa Kwaresmang ito, humingi tayo ng sapat na grasya para magawa ito.

Kailangan ko yatang magdasal ng tatlong beses bawat araw! Victoria L.

Pagninilay: Kung ayaw nating maghintay ng matagal sa altar, dapat matuto na tayong maging mapagkumbaba.

Iligtas N'yo ako sa aking pagmamalaki.


Thursday, March 1, 2007

Huwag Matakot Humingi

"Gusto ninyo bang samahan ng french fries?" Simpleng tanong lang ito, pero dahil dyan, ang isang burger restaurant ay kumita ng dagdag na US$20 milyon sa isang taon. At kapag umorder ka pa ng softdrinks, tatanungin ka agad ng kahera, "Go large?" Milyong kita na naman yan!

Huwag kang matakot humingi. Kapag di ka natutong humingi, di ka magtatagumpay. Humingi ka ng payo. Hingi ka ng date. Hingi ka ng referral. Hingi ka ng benta. Alam ng mga nagbebenta na sa 100 katao na kanilang aalukin, 10 lang doon ang talagang bibili. Kaya maraming nanlulumo at agad sumusuko. Subalit yung mga mahuhusay ay maghahanap ng isang libong tao na pwedeng alukin, para makabenta ng 100.

Dahil ako ay pinuno ng mga organisasyon na hindi hangad ang kumita pero patuloy ang pagbigay ng milyones para tulungan ang mahihirap at para ikalat ang salita ng Diyos, natuto na rin aking humingi, Kaya ang Kerygma Family ay nakarating na sa buong mundo. (Kung di ka pa kasali, pumunta ka sa http://www.kerygmafamily.com. O di ba't humihingi na naman ako?)

Huwag kang matakot humingi. Bo S.

Pagninilay: Gumawa ka ng listahan ng mga gusto mo sa buhay. Simulan mo nang humiling.

Panginoon, salamat sa walang sawang paghiling na baguhin ko ang aking buhay.