Wednesday, February 28, 2007

Senyales Yan!

Isa sa mga paborito kong pelikula ay Got 2 Believe. Si Toni ang bida. Humingi ng senyales kung totoo ba niyang mahal si Lorenz. Nang mangyari ang hinihintay niya, ayaw niyang maniwala. Kailangan pang sabihan siya ni Lorenz sa bandang huli ng "I love you" para maniwala na siya talaga.

Dati ay mahilig din akong humingi ng mga senyales. Minsang hiningi ko ang isang partikular na plate number bilang senyales na itetext ko ang isang tao. O kung sa concert ng Freestyle ay tinugtog nila ang "Missing You," ibig sabihin huwag akong mawalan ng pag-asa sa crush ko.

Pero ngayong nag-mature na lang ako at nakita ko na di naman talaga ibig sabihin na kung dumating ang senyales na hinihingi mo ay mangyayari na talaga ang gusto mo. Mas mabuti pang huwag na lang pansinin ang mga senyales na dumarating dahil kadalasan hindi na nakikita ang tunay na biyaya ng Diyos!

Ngayon, hindi na ako humihingi ng senyales. Naniniwala at nananalig na lang ako sa pag-ibig ng Panginoon. Di niya ako papabayaan. Tina M.

Pagninilay: Ang iyong pananampalataya ba ay naka-depende sa mga senyales o sa pag-ibig ni Kristo?

Sana nawa'y sapat na ang Iyong pagkabuhay at pagkamatay bilang simbulo ng pag-ibig Mo.

Tuesday, February 27, 2007

Masakit Man Sundin

Sama-sama kami at nagyayakapan para di kami umiyak. Misa ng lamay ng aming ina. Magkahawak kami habang nagdasal kami ng Ama Namin. Di na namin kayang pigilin ang aming mga luha. Gusto ko man bigkasin ang mga salitang, "Sundin ang loob Mo," ay di ko magawa. Mahirap talagang sundin ang kalooban ng Diyos!

Nang dumating ang unang Pasko na di namin kasama si Mommy, muli kaming nagsama-samang magkakapatid at sinikap na naman naming huwag umiyak. Subali't di namin napigilan ang pagluha nang awitin namin ang Ama Namin. "Panginoon, masakit pa rin sundin ang loob Mo."

Apat na taon na ang nakararaan. Bumabalik-balik pa rin ang sakit at lungkot ng pagkawala ni Mommy. Pero may liwanag at kaligayahan na rin. Higit akong naging matatag na tanggapin ang paglisan niya. Naiintindihan ko na tinawag na siya ng Panginoon para mamahinga. At alam Niya na pag wala na si Mommy, magiging mas malakas ako at mas matatag.

Salamat, Panginoon, sa kalooban Mo. Tess VA.

Pagninilay: Kahit na masakit sundin ang kalooban ng Panginoon, gawin mo ito upang matuto kang maging lalong matatag.

Salamat, Panginoon, sa kalooban Mo.

Monday, February 26, 2007

Ginoong Mortis

Meron daw isang baguhang reporter na hirap na hirap pahabain ang sinulat niyang balita. Kaya't kinakailangan niyang mag-imbento ng mga detalye. Sabi niya: "Pagdating ng pulis sa pinangyarihan ng krimen para tingnan ang bangkay, nandoon na si Rigor Mortis. Nang inusisa nila si G. Mortis, sinabi nito na wala siyang kinalaman sa krimen." Nakakatawa di ba? Hindi ba niya alam na ang rigor mortis ay hindi pangalan ng tao kundi ang pagtigas ng bangkay makalipas ang ilang oras? Isang malaking kasinungalingan, ngunit sa maniwala kayo o hindi, nailathala ang balitang ito.

Ang pagiging makatotohanan ay mahalaga di lamang sa pamamahayag kundi sa lahat ng bahagi ng buhay. Utos ito ng Diyos sa unang pagbasa natin. Ang mga adik na nagsisikap na iwaksi ang kanilang bisyo ay kailangang maging "matigas" sa katotohanan ng kanilang pagkalulong. Ito ang susi sa muling pagsisimula at pagbabalik-loob sa kanila ng kanilang mga minamahal. Suriin nating mabuti kung may mga bahagi pa ng ating buhay na kailangan nating magmatigas sa pagpapakatotoo, bago pa dumating si G. Mortis. Roy M.

Pagninilay: Sana tingnan natin ngayon kung nagpapakatotoo ba talaga tayo. Huwag nating hintaying dumating si G. Mortis.

Ikaw ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay, O Hesus.

Sunday, February 25, 2007

Humayo Sa Disyerto

Bago ako mag-25 anyos, nagdesisyon akong mag-retreat tuwing linggo sa loob ng isang buwan. Minsang sumasama ako sa isang grupo, at minsan naman solo ako. At kung ordinaryong araw, paladasal ako, at isinusulat ko lahat ng nangyayari sa akin at lahat ng pagninilay ko sa isang journal.

Marami kasing nangyayari sa buhay ko noon. Di naman sila mahihirap na pagsubok, kaya lang, ang dami kong tanong. Nalilito ako at di ko alam kung ano ang sunod kong gagawin. Sabi ng iba, dumaranas raw ako ng "quarter life crisis." Di lang pala mid-life crisis ang nangyayari sa tao.

Ito ang natuklasan ko. Pinag-retreat ako ni Lord kasi gusto Niyang lumabas ako sa magulo at maingay kong mundo. Parang inimbita Niya akong pumasok sa disyerto para magkaroon ako ng panahon na kausapin Siya. Matapos ang buwan na iyon, naramdaman kong nagawa ko ang nais Niya, at ang kailangan ko - ang umupo at magpahinga sa piling ng aking Ama. Napakagandang karanasan! Cotics C.

Pagninilay: Kailan ka huling umupo lang sa tabi ng Ama at nakipagkwentuhan?

Panginoon, patahimikin Ninyo ang ingay sa buhay ko, para ang marinig ko ay boses Niyo lamang.

Saturday, February 24, 2007

Pag-ahon Sa Kahirapan

Nanggaling siya sa mahirap na pamilya. Ang hanapbuhay ng kanyang mga magulang ay pagtitinda ng kendi sa maliliit na tindahan sa probinsya. Lumuwas sila ng Maynila noong panahon ng Hapon, pero umuwi rin sa probinsya. Matalino siya at nagkamit na parangal. Ngunit dahil sa kahirapan, tumigil na siya sa pag-aaral pagkatapos ng Grade-4.

Sa gulang na labing-apat, ipinakasal siya ng kanyang ama sa isang lalaking mapang-abuso. Nagsilbi siyang alipin sa mga kamag-anak ng asawa niya na gumugulpi sa kanya. Iniwan niya ito dala ang kanyang dalawang anak matapos ang pitong taon.

Bumili siya ng segunda-manong makina at natuto siyang manahi. Sinubukan din niyang magtinda ng tinapay. Nakapagpatayo siya ng sariling panaderya, ngunit nasunog ito. Subalit hindi siya sumuko. Nagpatayo siya ng department store, at sa tulong ng pautang ng bangko ay napalaki niya ito at naging NE Pacific Mall sa Cabanatuan, Nueva Ecija. May-ari na siya ng apat na mall, isang subdibisyon at "investments" sa iba't-ibang kumpanya. Siya si Leticia Uy, ang presidente ng NE Group of Companies. Judith C.

Pagninilay: Hinahayaan mo ba ang sarili na hilahing pababa ng kalungkutan?

Salamat, Panginoon, at tinuturuan Mo akong bumangon kahit na pakiramdam ko ay huli na ang lahat.

Friday, February 23, 2007

Laging Narito

May isang punto sa buhay ko na ayoko nang gumawa ng mabuti. Bakit? Dahil hindi naman yata nakikita ng Panginoon ang mga ginagawa kong kabutihan!

Nagbibigay ako ng limos.
Tinutulungan ko ang aking mahihinang estudyante.
Tinutulungan ko ang mga ulila.
Nagdarasal ako.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ginagawa ko, halos di ko na maiahon ang sarili ko sa mga problema. Hindi na yata makatarungan ito.

Subalit bigla kong naalala, nilikha tayo ng Diyos dahil sa Kanyang kabutihan at pagmamahal. Nang sa gayon, ang lahat ng ginagawa kong mabuti ay di nanggagaling sa aking sariling kalakasan, kundi sa Kanya rin nagmumula. Naging kasangkapan lamang ako ng Kanyang kabutihan. Dapat akong mahiya! RosAnn J.

Pagninilay: Pinagmamasdan ka ng Diyos. Damhin mo ang kanyang pag-ibig.

Huwag N'yo pong hayaang ako'y makalimot na lagi Ninyo akong pinagmamasdan.

Thursday, February 22, 2007

Pagnakaw Sa Langit

Si Jim at Tammy Bakker ay dating pinuno ng pinakamalaking samahang Kristiyano sa America. Nagmula sila bilang ordinaryong manunuro at sumikat sila noong naging bahagi ng programang 700 Club. Nagkaroon sila ng sarili nilang programa sa telebisyon, The PTL Club.

Tinuro nila ang "ebanghelyo ng kasaganaan." Hinikayat ang mga tagasunod nila na ibigay ang lahat sa Panginoon. Lumaki ng lumaki ang mga donasyon nila. Ang mag-asawang Bakker naman ay walang tigil sa paggastos nito. Kalahating milyon dolyares ang ginagastos nila at kanilang ministry kada araw. Tinago nila ang pere sa kanilang mga personal na bank account. Winaldas nila ang iba sa mga luho nila. Nakulong si Jim dahil dinispalko niya ang salapi na binigay ng mga tagasunod nila sa Panginoon.

Dati naniniwala ako na kalooban ng Panginoon magsuot ng mamahaling damit at sapatos ang Kanyang mga alagad. OK pa rin sa akin iyon basta ang perang ginamit nila doon ay hindi mula sa salapi na dapat mapunta sa gawain ng Panginoon.

Ibig ng Diyos na maging masagana ang buhay ng Kanyang mga anak. Kaya nga Niya tayo binigyan ng mga kakayahan at talento upang magtrabaho at magsikap. Rissa S.

Pagninilay: Ano ba ang konsepto ko ng kasaganaan?

Panginoon, Ikaw ang aking kayamanan. Walang katulad Mo.

Wednesday, February 21, 2007

Ngayon Na!

Nakilala ko ang isang matandang lalaki na may sakit na kanser. Mayaman siya at bise-presidente ng isang bangko, subalit mababaw lamang ang kanyang relasyon at pagkakakilala sa Panginoon.

Inimbita ako ng misis niya na kausapin siya. Baka sakaling makumbinsi ko siyang isuko na ang buhay niya sa Panginoon. Nag-usap kami ng ilang minuto at ikinuwento ko sa kanya kung paano kumikilos ang Diyos sa buhay ko. Tinanong ko siya kung nais din niyang maranasan si Hesus sa kanyang buhaym, pumayag siya. Nanalangin kami at tinanggap niya ang Panginoon sa kanyang puso.

Makalipas ang dalawang linggo, ay mapayapa siyan sumakabilang-buhay.

Ang pangyayaring ito ay nagpaalala sa akin kung gaano kasigasig ang Panginoon na hanapin tayo kapag naligaw tayo ng landas hanggang sa kahuli-hulihang sandali. Ngunit huwag na nating hintayin pa ang sandaling iyon. Ngayon ang pinakamagandang panahon para tanggapin natin si Hesus. George G.

Pagninilay: Kailangan mo ba ng grasya? Lumapit ka sa Kanya ngayon.

Panginoon, papunta na po ako sa Inyo. Salamat at parati Kayong naghihintay.

Tuesday, February 20, 2007

Bakit Ka Katoliko?

"Kung sasabihin sa iyo na ang lugar na pupuntahan mo ay makasalanan, pupuntahan mo pa rin ba?" tanong ng pastor sa akin.

"Opo. Kaya nga po ako nandito sa simbahan ninyo eh," sagot ko. Pasensiya na, pero nagsabi lang ako ng totoo.

Marami kasi akong mga kaibigan na dating Katoliko at kapag tinanong ko sila kung bakit sila umalis sa Simbahan, sinasabi nila na sa bagin simbahan nila nakita ang Panginoon. Nagtataka ako sa sagot na ito kasi di ba ang Diyos ay nasa lahat ng dako? Bakit di nila nasumpungan sa Simbahang Katoliko, kung saan ko Siya natagpuan?

Marami rin akong mga katanungan tungkol sa Katolisismo. Subalit sa halip na lumayo ay lalo kong ninais na makilala ang aking pananampalataya. Nag-aral ako at nagsaliksik maging tungkol sa ibang sekta upang maihambing ko ng tama ang aking pananampalataya, mas napagtibay ko na kung silang mga tumiwalag ay nag-aral muna, marahil ay hindi na sila umalis pa. Jane G.

Pagninilay: Binibigyan mo ba ang iyong sarili ng panahon para mag-aral tungkol sa pagiging Katoliko?

Panginoon, bigyan N'yo po ako ng pagnanais na matutunan ang Iyong mga doktrina at katotohanan sa aming simbahan.

Monday, February 19, 2007

Si Lord Nga!

Sa tuwing meron akong kailangang bigyang-payo o kaya'y kailangan kong sumulat para sa Didache o Kerygma, lagi muna akong nagdarasal bago magsimula. Batid ko kasing ang Panginoon ang siyang nangungusap sa aking pagsusulat at pagbibigay-payo, at ako ay ginagamit lamang Niya.

Kung sakaling naging epektibo man ako, ito'y dahil lamang sa pinahihintulutan ko ang aking sarili na gamitin ng Diyos. Ito ang aking "sikreto" para maging mahusay na lingkod Niya.

Maraming beses na nakakapagpayo ako ng wasto at mainam, na ikinagugulat ko kung paano ko naisip. Malamang ay batid ninyo ang ibig kong sabihin. Minsan, nagsesermon ang kaibigan kong pari at napansin niya na magagaling ang mga sinasabi niya. Napag-isip niyang galing iyon sa Panginoon.

Ito ang kagandahan ng pagsuko sa kalooban ng Diyos at ang pagbibigay sa Kanya ng pahintulot na kumilos sa buhay mo. Talagang magagamit ka Niya. Cristy G.

Pagninilay: Ipinakikilala mo ba ang tunay na may gawa ng mga gawain mo?

Kung mag-umpisa akong magyabang, Panginoon, ipaalala Mo pong muli kung sino ang tunay na Pnaginoon.

Sunday, February 18, 2007

Handa Ka Na Bang Magmahal Ng Tunay?

Ang pagsosyo sa isang negosyong wala akong kaalaman ang pinakamaling desisyong ginawa ko. Ito ang klase ng negosyong nangangako sa mga investors na babalik sa kanila ang pera nila na may mataas na interest. Sa simula ay naibigay ang pangakong ito, pero nang lumaon, tumatalbog na ang mga tseke. Hanggang sa malaman kong lahat ng kasosyo ko ay tumakas na palabas ng bansa, at naiwan akong nag-iisa at baon sa utang.

Dahil dito'y nalaman ko kung sinu-sino ang mga tunay kong kaibigan. Isa rito ay ang mag-asawang investor na inilagak lahat ng kanilang perang pinagretiruhan. Sa halip na idemanda ako at ipakulong, inuunawa nila ang aking kalagayan at ako'y pinatawad.

Anim na taon ang lumipas mula nang mangyari ito. Nagbabayad pa rin ako ng utang sa kanila, pero kahit minsan ay hindi ako nakarinig ni isa mang masamang salita sa mag-asawang ito. Walang bahid ng hinanakit o pagkamuhi sa kanilang mukha. Animo'y tulad sa mukha ni Hesus. Chelle C.

Pagninilay: Handa ka na bang magmahal ng tunay?

Sa kabila ng kanilang kahinaan, nawa'y matuto akong magmahal sa aking kapwa, tulad ng pagmamahal Mo.

Saturday, February 17, 2007

Lola, Makinig Ka!

Sa ikalimang taon ng apo kong si Dylan, natuto siyang gumamit ng telepono. Isang araw na tinawagan niya ako sa opisina, hininto kong lahat ng aking ginagawa sa katuwaang kausapin siya.

"Ano pong ginagawa n'yo?" tanong niya. "Nagtatrabaho," sagot ko. "Saan si Lolo," aniya. "Nagtatrabaho rin." sabi ko. "Eh si Tito Paul?" tanong niya. "Eh di nagtatrabaho rin," muli kong tugon."

"Ano po ba 'yung nagtatrabaho?" tanong pa niya.

Ang tagal kong ipinaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng salita. Nang maibaba ko ang telepono, saka ko napag-isipan ang katanungan ni Dylan. Hindi niya tinatanong ang kahulugan ng salitang "nagtatrabaho." Ang gusto niyang malaman, ay kung ano ba talaga ang "ginagawa" namin ng kanyang Lolo at Tito.

Masyado kasi akong nahumaling sa kakiyutan at kabibuhan ng aking apo, na di ko naintindihan ang gusto niyang ipahiwatig.

Katulad ako ni Pedro, na dahil sa lubos na pagkamangha sa pagbabagong anyo ni Hesus, hindi na niya naunawaan ang inihayag ng Diyos - ang tunay na pagkatao ng Panginoon.

Higit pa sa pagkamangha sa Kanyang kadakilaan ang makinig at sumunod sa Kanyang kalooban. Cythia S.

Pagninilay: Marunong ka bang makinig?

Turuan Niyo akong makinig nang mabuti, lalo na sa Inyo.

Friday, February 16, 2007

Pagsusuko

Kanser sa bituka ang sakit ng tatay, at ilang linggo na kami sa ospital. Isang gabo, dinugo siya ng husto at hindi ito tumitigil. Nagdesisyon ako na itigil na ang lahat ng gamot at pagsalin ng dugo, at hayaan na lamang si Tatay. Isinuko namin siya sa Panginoon.

Subalit ang nakakapagtaka, hindi lamang buhay pa si Tatay kinabukasan, kundi masigla at nagawa pang kumain. Para bang ang ginawa naming pagsuko ay mas nakabuti, kaysa sa pagpipilit naming labanan ang kanyang sakit.

Naisip ko tuloy kung papano tayo nakikipagtagisan sa Panginoon. Madalas nating iniisip na alam natin ang mabuti o kaya'y mahirap sundin ang kalooban ng Diyos. Subalit kung susubukan lang nating sumunod, malalaman nating Siya pa rin ang nakakaalam ng pinakamabuti para sa atin.

Hindi ko naman sinasabing huwag nang labanan ang sakit. Dahil kung susuko ka sa iyong karamdaman, kamatayan ang kahihinatnan. Subalit kung sa Panginoon tayo susuko, buhay na walang hanggan. Cotics C.

Pagninilay: Di ka pa rin ba sumusuko sa Panginoon? Subukan mo!

Panginoon, ang kalooban Mo nawa'y maganap sa buhay ko.

Thursday, February 15, 2007

Sa Mata Ng Diyos

Natapos na naman ang isang malagim na araw. Pinagmasdan ni Lucia ang kanyang sarili sa harap ng salamin at nakita niya ang mga kapintasang nakikita rin ng iba: magaspang na mukha, doble-baba, magulong buhok, laylay na braso at marami pang iba.

Kanina sa opisina, halos di siya makapagtrabahong mabuti dahil nakapansin na tumaba na naman siya. Pakiramdam niya, siya na ang pinakapangit na tao sa balat ng lupa. Muli niyang pinagmasdan ang kanyang sarili, at pumatak ang kanyang luha.

Napapikit siya at nanalangin, "Panginoon, bakit mo ba ako minamahal? Di mo ba nakikita ang aking kapangitan? Ano bang nakikita mo sa akin?".

Nang mamulat, napatuon ang kanyang mga mata sa nakasabit na krus. Si Hesus ay nakapikit! At narinig niya ang bulong ng Panginoon, "Hindi nakikita ng mundo ang nakikita ko sa iyo. Mahal kita, at ikaw ay akin."

Nang muli siyang humarap sa salamin, naramdaman niya ang pag-ibig ng Diyos sa kanyang puso at sa isang saglit, nakita niya ang kanyang sarili sa mata ng Diyos: Perpekto! Sa kauna-unahang pagkakataon sa araw na iyon, napangiti siya. Anna G.

Pagninilay: Nakikita mo lang ba ang sarili mo na puro kapintasan?

Panalangin: Salamat, Panginoon, at mahal Mo ako, pati na rin ang mga kahinaan ko.

Wednesday, February 14, 2007

Mabango

Alam mo bang ang ating pag-amoy ang pinaka-importante sa ating pandama? Ang mga hayop ay nakasalalay dito. Ang dagang bulag ay kaya pang mabuhay. Pero kung wala itong pang-amoy, hindi ito makakahanap ng pagkain.

May mga hayop at insekto na naglalabas ng kemikal na tinatawag ng pheromones na nagpapahayag ng iba't-ibang mensahe. May mga insekto na kapag panahon ng pagtatalik ay maglalabas ng sex pheromones na maaaring maamoy ng isang maaaring maging partner nito na 10 kilometro ang layo!

Ang Panginoon din natin ay may pang-amoy. Sa Lumang Tipan, sinusunog ng mga Israelita ang mga hayop na inaalay nila sa Panginoon.

Bagaman hindi tayo nagsusunog ng pang-alay sa Kanya, meron pa rin tayong halimuyak na naaamoy ng Panginoon. Sabi nga sa 2 Corinto 2:15-16, para tayong "mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay." Rissa S.

Pagninilay: Etong Araw ng mga Puso, magpasiyang maging kaakit-akit sa iyong Panginoon.

Panalangin: Panginoon, sana maging mabangong samyo ang buhay ko sa Iyo.

Tuesday, February 13, 2007

Walang Sisihan

"Ikaw kasi! Nakalimutan mo kung saan mo inilagay ang parking ticket!"

"Dapat mas maaga kang nagising."
"Bakit ba di mo magawan ng paraan?"

Madalas kong nahuhuli ang sarili kong sinisisi ang ibang tao. Kung tutuusin, napakaliit lang naman ang nagawang kamalian; pero sira na ang buong araw ko, Hindi ko na napapansin ang masayang biyahe, masarap na pagkain, o anumang maari kong matutunan sa kakaibang karanasan. Napapako na ang atensiyon ko sa aking galit at pagkainis.

Marahil ay ganito
rin ang kundisyon ng mga alagad ni Hesus habang ipinaaalala Niya sa kanila na kailangan nilang mag-ingat sa "lebadura ng mga Pariseo at Herodes." Nakatuon kasi ang mga isip nila doon sa tinapay na naiwan at kung sino ang nakaiwan nito. Abala silang nagsisihan at nagtuturuan.

At dahil dito, di tuloy nila naintindihan kung ano ang mensahe ng Panginoon. Parang ako talaga! Ariel D.

Pagninilay: Sabi siguro ni Hesus: Oo na, may nakalimot sa tinapay pero pinuno ko naman ang pagkukulang, di ba?

Panalangin: Panginoon, higit pa sa mga milagrong ginawa Ninyo sa aking buhay, ang pagnanais Ninyong matuto akong iwaksi ang mga walang kwentang bagay upang higit kitang mapakinggan.

Monday, February 12, 2007

Huwag Magduda

Naaalala ko si Alfred, ang kaklase ko sa kolehiyo na parating nangunguna sa aming klase.

Siya ang tipo na may utak na, gwapo at mayaman pa. Ang problema lang, mahilig siyang magduda sa mga tao, bagay, pati motibo ng aming mga gawain, at maging ang katunayan ng Diyos ay pinagdududahan din niya.

Ang tingin nga kasi, lahat ng nakamtan niya sa buhay ay bunga ng kanyang pagsisikap at pagpupunyagi. Masyado siyang bilib sa sarili at ipinagmamayabang ito. Kaya naman nangingilag ang marami sa kanya.

Masaya ba siyang mag-isa at walang kaibigan? Naniniwala kaya siya sa kasabihang, "No man is an island"? Siya lang ang makakasagot sa mga tanong na ito.

Ang alam ko lang, kung naniniwala ka sa Diyos, magtiwala ka sa kanya ng buong puso. At kahit isang saglit, huwag kang magduda sa kanyang pagmamahal at kalinga. Kahit di mo makita ang mga senyales ng Kanyang presensya, nasa paligid mo lang Siya. Henry Y.

Pagninilay: Ilang beses mo bang pinagdudahan ang kapangyarihan ng Panginoon?

Panalangin: Iligtas Nyo ako sa sarili kong pag-aalinlangan.

Sunday, February 11, 2007

Sa Kabilang Buhay Man

Kakarating lang niya sa opisina nang makatanggap ang kaibigan ko ng tawag mula sa kanyang kapatid. Hindi raw magising ang kanilang ama.

Pagdating niya sa ospital, hindi na niya ito inabutang buhay.

Labis ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya. Wala pa kasing anim na buwan ang nakalilipas nang magkabalikan ang kanilang ama't ina. Ninanamnam pa nila ang pagkakaisang matagal na nilang inaasam nang biglang nangyari ang trahedya.

Inakala kong sisisihin nila ang Diyos sa mga pangyayari. Nagkamali ako. Pagdating ng araw ng libing, natanggap na nila na lahat ay kalooban ng Panginoon. Ang pagbabalik-loob ng kanilang ama at pagtalikod niya sa kanyang mga kasalanan, at panunumbalik ng pagtitinginan nilang mag-asawa. At anim na buwan din ang ibinigay ng Diyos sa kanila na muling magsama-sama bilang pamilya. Ngayon ay malugod nilang tinanggap na namayapa na ang kanilang ama.

Natutuwa ako na ang aking kaibigan at ang kanyang pamilya ay hindi mga kahabag-habag. Viltoria L.

Pagninilay: Saan nakalaan ang iyong pag-asa at kayamanan?

Panalangin: Panginoon, nawa'y lagi kitang pasalamatan sa lahat ng iyong mga kaloob sa akin, dito sa lupa, para nang sa langit.

Saturday, February 10, 2007

Nag-sorry Na Lang Sana

Alam nyo na ang kwentong ito. Sinita ng Diyos si Adan, itinuro ni Adan si Eba, at itinuro ni Eba ang ahas!

Ang turo sa atin, ang orihinal daw na kasalanan ay ang pagsuway. Sabi sa Roma 5:19, "Sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng tao." Ngunit sa aking palagay, ang pinakaunang kasalanan ay ang "di paghingi ng tawad!".

Paano kaya kung ganito ang nangyari: Tinanong ng Diyos si Adan, "Sinong may sabi sa iyong hubad ka?" At si Adan, nang matanto niyang nasaktan niya ang kanyang mapagmahal na Ama, ay nakaramdam ng lubos na pagsisisi. At siya'y umiyak, lumuhod at nagsabi, "Ama, patawarin Nyo ako...." Ano sa palagay mo ang gagawin ng Diyos kung ganito ang nangyari? Di ba ligtas na sana sa orihinal na kasalanan?

Di ko alam kung may katuturan ang imahinasyon kong ito, pero kung lagi nating ipinapasa sa iba ang ating mga kasalanan at pagkakamali, paulit-ulit na mangyayari ang naganap sa Eden.

Humingi ka ng tawad.... at maaaring magbago pa ang kwento ng buhay mo. Alvin B.

Pagninilay: May kasalanan ka bang dapat pagsisisihan?

Panalangin: Panginoon, lubos po akong nagsisisi sa pagsuway ko sa Iyo.

Friday, February 9, 2007

Mausisa Ka Ba?

Matapos ang aking elementarya at high school sa coed na paaralan, pumasok ako sa kolehiyong eksklusibo para sa mga babae. Pambihira! Nagulantang ako sa kanilang kultura! Noon lang ako nakakita ng mga babaeng sobra ang pagka-mausisa. Subalit nakabagabag sa akin ang kanilang pakamalisyoso sa pakikipagrelasyon sa mga lalaki. Ang resulta? Pagtapak namin sa ikatlong taon, halos kalahati ng klase namin ay nabuntis na!

Natukso ba sila? Malamang. Curious? Sigurado. Sa kagustuhan nilang maging angat sa iba, inakala nilang ang pagkakaroon ng karanasang sekswal ang makapagpapabago ng kanilang buhay. Kung sabagay, tama sila. Nagbago ng ang buhay ng iba sa kanila. Nakakalungkot dahil ang iba ay dumanas pa ng pagpapalaglag ng kanila pinagbuntis. Sayang dahil mga iskolar pa naman sila ng kanilang mga paaralan sa probinsiya.

Ako, natutunan kong maging maingat, na dapat ay inilalagay sa lugar ang pagiging mausisa. Dahil marami na itong ipinahamak, magmula pa sa ating mga ninuno. Marissa E.

Pagninilay: Curious ka bang subukan ang kung anu-anong bagay? Makakabuti ba sa iyong sundin ang kuryosidad mo?

Panalangin: Ikaw ang Daan, ang Katotohan at Liwanag. Turuan Nyo kaming tumugon sa Inyo?

Thursday, February 8, 2007

Matitiis Ka Ba Niya?

Pag may nangyayari sa atin na di kanais-nais, di ba tinatanong natin, "Lord, bakit ako pa?" Pero kung tayo ay nagkakaroon ng pera, kotse, kagalingan, proteksyon at lahat ng magaganda, bakit hindi natin tinatanong iyon? Alam ko kung bakit. Dahil iniisip natin ng higit tayong karapat-dapat tumanggap ng magaganda kaysa sa mga masasama. Tutal, hindi naman tayon "ganoon kasama." May mas masasama pa sa atin, di ba?

Saan naman natin nakuha yan? Hindi yata iyan ang sinabi ng Diyos, at lalong wala 'yan sa Bibliya. Pinili tayo ng Diyos dahil sa Kanyang awa at grasya, at hindi sa ating katangian. Ang lahat nating kabaitan ay balewala kung ihahambing sa Kanyang Kadakilaan.

At sa ating pagkamalay ng ating kaabahan, na tayo'y mistulang "aso sa ilalim ng dulang," ay saka lamang Niya tayo itataas, pupuspusin ng awa, at ituturing na mga anak.

Huwag tayong tumulad sa mga Hudyo na nag-akalang karapat-dapat na sila sa lahat ng biyaya ng Diyos dahi mga anak sila ni Abraham. Tularan natin ang babaeng Hentil na umasa lamang sa puso ng Diyos na puno ng pagmamahal.

Ganyan ang mga taong hindi matitiis ng Panginoon. Jon E.

Pagninilay: Matitiis ka ba ng Panginoon?

Panalangin: Gawin Nyong mapagkumbaba ang aking puso, Panginoon.

Wednesday, February 7, 2007

Pagtanim Ng Galit

Hindi gaya ng ibang relihiyon, walang bawal kainin ang mga Katoliko dahil naniniwala tayo na walang kapangyarihan ang mga pagkain na gawin tayong makasalanan. Ang nakakagawa lang nito ay ang mga makamundong motibo ng ating puso na lumalabas sa ating bibig sa pamamagitan ng mga di kanais-nais na salita at gawain.

Marami sa atin ang nagtatanim ng galit sa puso. Ang mga naipong galit at sama ng loob, kung hindi naikukumpisal, ang siyang sumasambulat bilang masasamang pananalita na siyang pinagmumulan ng kasalanan.

May mga pagkakataong gusto ko nang magmura o manumbat, lalo na kung alam kong ako ang nasa katwiran. Mabuti na lang at nararamdam ko ang kalabit ng Diyos, na pumipigil sa aking magkasala sa gitna ng masidhing emosyon ko.

At dahil ako ay babae, iniiyak ko na lang ang aking mga sama ng loob. Ang mga hinanakit ay nalilinis ng luha. "Damahin mo, ngunit huwag mong gatungan." Ganito ngayon ang trato ko sa aking emosyon. At imbes na alalahanin ko ang mga mali ng iba, pinupuno ko na lang ng mga mabubuting bagay ang aking isipan. Sapagkat kung ano ang bukambibig, siyang laman ng dibdib. Joie C.

Pagninilay: May tinatago ka bang logbook ng mga mali na nagawa sa iyo? Itapon mo na!

Panalangin: Gawin Niyong tahanan niyo ang puso ko, Panginoon.

Tuesday, February 6, 2007

Recharged, Reloaded & Refocused

Ang paggamit ng cell phone ay nakasalalay sa tatlong bagay: Naka-charge na baterya, sapat na load at malakas na signal. Kahit na pinakabagong cell phone ang hawak mo kung "low batt" ka, balewala rin ito. Kung "fully charged" nga pero wala ka namang load, 'di rin uubra! At kahit na malakas ang baterya at marami ka pang load, kung wala ka namang signal, wala rin itong silbi!

Ang mga kaluluwa natin ay parang cell phone. Nakaka-"connect" tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpupuri, at dito ay nare-recharge, reload at refocus Niya ang ating mga espiritu. Sumisigla tayo sa kanyang presensiya, lumalakas sa kanyang grasya, at napapatuon sa kanyang kalooban at patnubay.

Paano naman natin malalaman kung nagawa natin ang tunay na pagpupuri? Kapag tayo ay binabago nito! Hindi lamang sa salita, dapat ay higit na nagiging mapagmahal tayo at nagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa iba. Wika ni St. Vincent de Paul, "Ang pag-ibig nga ay apoy... tinawag tayong dalhin ang pag-ibig ng Diyos, ang Banal na Apoy sa lahat ng dako." Tina M.

Pagninilay: "Fully charged" ba ako o "low batt" sa pag-ibig Niya?

Panalangin: O banal na Espiritu Santo, buhayin N'yo muli ang apoy ng Iyong pag-ibig sa puso ko.

Monday, February 5, 2007

Diyos Ng Kababalaghan

Paano na lang kaya ang paghahanda at pag-iisip ng Diyos bago Niya sinimulang likhain ang mundo.

Magkaroon ng liwanag! Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig sa ibaba at kalangitan.
Magsama sa isang dako ang tubig...lumitaw ang lupa.
Magkaroon ng lahat ng uri ng halamang namumunga...
Magkaroon ng mga tanglaw sa langit...
...At lubos Siyang nasiyahan nang mamasdan ang mga ito.

Pumunta kami ng asawa ko sa Boracay nung minsan. Di ko mailarawan kung gaano ito kaganda. Labing dalawang taon nang nakaraan noong una akong nakapunta doon at marami nang nagbago. Subalit naroon pa rin ang kamangha-mangha Niyang kagandahan. Ang mala-kristal na tubig. Kagila-gilalas na dapithapon. Ang pino at busilak na buhangin. Minsan ay pinagmasdan lang namin ang paglubog ng araw. Pambihirang karanasan! Damang-dama ko ang kadakilaan ng Diyos sa mga sandaling iyon! Kahanga-hangang pagmasdan ang lahat ng ito, na kanyang ginawa para sa ating kasiyahan. Lallaine G.

Pagninilay: Tumingin ka sa iyong paligid at magpasalamat sa Diyos sa ganda ng kanyang mga likha.

Panalangin: Sa lahat na iyong mga nilikha, salamat, Panginoon!

Sunday, February 4, 2007

I Am What I Am

Kilala n'yo pa ba 'yung bida na lumalakas kapag kumain siya ng kulitis? Kapag kumakain siya ng mga ito, ay biglang lalaki ang kanyang mga braso at binti, kasabay ng masayang musika. Hindi si King Kong ang tinutukoy ko. Si Popeye! Yung kasintahan ni Olive Oyle na laging may subong pipa. Di ba siya yung nagsasabi "I am what I am."

Ganito rin ang sinasabi ng maraming tao ngayon. Sa halip na aminin nila ang kanilang mga kahinaan, sinasabi na lang nila, "Ganito talaga ako, e!" Kaya hindi na sila nagbabago.

Sa halip na akuin nila ang responsibilidad o magpakumbaba at humingi ng tawad, hinihiwalay nila ang mga sarili sa pag-ibig ng Diyos. Sayang tuloy ang mga pagkakataon.

Oo nga, Ikaw na nga 'yan. Ang pagkatao mo ang kabuuan ng lahat ng mga ginagawa, iniisip at paniniwala mo. Pero hindi lang 'yan, dahil hindi ka pa nagiging tunay na ikaw. May plano pa ang Diyos sa iyo! Ipinangako Niya na tatapusin Niya ang sinimulang pagbabago sa buhay mo. Ginagawa ka Niyang isang obra maestra.

At balang araw, sa awa N'ya, mangyayari ito. Arun G.

Pagninilay: Naniniwala ka ba na hanggang diyan ka na lang?

Panalangin: Ngayon, Panginoon, naniniwala ako na gagawin N'yo sa buhay ko ang lahat ng itinakda N'yo para sa akin.

Saturday, February 3, 2007

Pagbuhos Ng Grasya...

Hinahabol ako ng mga taong may masamang balak. Sinubukan kong magtago sa isang bahay para matakasan sila. Subalit nahuli nila ako at nasukol. Wala na akong magagawa o mapupuntahan. Binuhusan nila ako ng gasolina at nagsindi na ng posporo ang kanilang lider para silaban ako.

Habang mabagal na bumabagsak ang sinindihang palito, naisip kong ito na ang aking katapusan. Subalit naganap ang di inaasahan. Biglang bumuhos ang ulan! Namatay ang apoy at ako'y nakaligtas.

Nagising ako sa panaginip na ito at alam ko na mensahe ito ng Panginoon para sa akin. Isa itong madamdaming paglalarawan kung paano ako iniligtas ng Kanyang grasya. Dapat ay matagal na akong namatay pero ang grasya Niya ang pumuksa sa mga apoy ng demonyo.

Hindi tayo pababayan ng Panginoon. Kahit napapaligiran na tayo ng problema, tutulungan Niya tayo upang tayong mabuhay at lumago sa pag-ibig Niya. Rissa S.

Pagninilay: Kung tinatawag ka ng Panginoon, tutulungan ka Niya.

Panalangin: Hesus, salamat po sa proteksyon na ibinibigay N'yo sa akin araw-araw.

Friday, February 2, 2007

Ipinakikilala...

Mabuti na lang at alam na nina Jose at Maria na si Hesus ay hindi pangkaraniwang sanggol. Kung hindi, baka ipinaampon na nila ito pagkarinig nila sa propesiya ni Simeon!

Ang sanggol na nababalot ng lampin ay magiging "parang apoy na napapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon" (Malakias 3:2). Susunugin Niya ang kalawang na nakabalot sa atin at tatanggalin ang lahat ng marumi. Kung iisipin natin itong mabuti, dapat tayong kilabutan. Dahil matinding sakit ang dulot ng apoy at lihiya sa ating balat. Akalain mo bang ang batang ito ay naparito para sugpuin ang kasamaan o lipulin ang mga masasama?

Ang sanggol na ito, na inakalang hindi kakayanin ang hirap ng buhay bilang isang anak ng karpintero, ay haharap sa kamatayan at "pinalaya and lahat ng nagin alipin nito dahil sa kanilang takot..." (Hebreo 2:15). Ipinakita Niya sa atin na hindi tayo mga inutil. Kaya nating tumayo para labanan ang pang-aabuso, kabuktutan at kahirapan. Ngayon, Siya ba ay iyong "kaligtasan" o "kapahamakan"? Victoria L.

Pagninilay: Si Hesus ba ang iyong "kaligtasan" o "kapahamakan"?

Panalangin: Sa waksi ng aming mga takot at sa pagsilab sa aming mga kahinaan, salamat Panginoon Hesus.

Thursday, February 1, 2007

Di Ka Man Nila Gusto...

May mga taong lulong sa alak at droga. Ako, lulong ako sa pagtanggap at pagsang-ayon ng ibang tao. Hindi ba kabaliwan?

Sa loob ng maraming taon, ito ang mga iniisip ko pag gising ko pa lang: Galit kaya si Juli sa akin? Baka naman akala niya siya ang tinutukoy ko sa "talk" ko kahapon. Eh si Mario kaya. Mukhang galit din siya sa akin. Kailangang kausapin ko siya. Si Karla rin. Kaya siguro di na siya dumadalo sa prayer meeting dahil ayaw na niya sa akin. At parang lasong na nanunugot sa kaibuturan ng aking kaluluwa, damang-dama ko ang kahihiyan. Nahihiya ako na ipinanganak pa ako sa mundong ito.

Ngayon naiintindihan ninyo na kung gaano ako kabaliw?

Talagang malala na di ba? Pero unti-unti na akong pinagagaling ni Hesus. Di pa man lubusan, pero araw-araw kong tinatanggap ang Kanyang pagmamahal. Natutunan ko na rin na "pagpagin ang alikabok sa aking paa," at harapin ang aking kahihiyan, na tinatawanan ko na lang.

Ikaw, kailangan mo rin bang matutunang iwaksi ang pagtanggi ng iba? Bo S.

Pagninilay: Kung tama ang ginagawa mo, di ka magugustuhan ng iba. Kaya kung gusto ka ng lahat ng tao, may hindi tama!

Panalangin: Turuan N'yo ako, Panginoon, na mamuhay sa pag-ibig N'yo at hindi sa pagtingin ng ibang tao.