Monday, January 15, 2007

Unawain Ang Kahinaan

"Hindi ko maintindihan kung bakit napakairesponsable ng mga estudyante ko! Ilang beses ko na silang sinabihan ng deadline. Nakakainis! Kanina umiiyak sila dahil talagang nagalit ako," kwento ng kaibigan kong guro sa high school. Nang magkaroon ako ng pagkakataong magsalita, tinanong ko siya, "Hindi ka ba nag-high school? Hindi mo ba naaalala kugn paano 'yon? Hindi ka ba nagkaroon ng kaklase na nagkaproblema sa kanyang pag-aaral o yung mga tipong hindi makasunod sa mga utos ng guro?"

Matapos mag-isip-isip, sinabi niya. "Hindi ko maintindihan kung bakit hindi nila kayang maging masipag na estudyanteng tulad ko. Dapat ay ganoon din ang pamantayan nila sa kanilang sarili."

Sasabihin ko sana sa kanyang subuking lumagay sa katayuan ng iba pero di ko na ginawa. Paano ko siya tuturuang lumagay sa nakaraang hindi naman niya naranasan?

Ang mga pinakamagaling na mga pinuno ay yung alam kung paano maging mahina, at marunong umunawa kung ang kanilang mga tagasunod ay nadarapa paminsan-minsan. Anna dG.

Pagninilay: Masyado ka bang mahigpit at pinahihirapan ang mga tao sa paligid mo?

Panginoon, nawa'y mas maging maunawain ako sa mga kahinaan ng ibang tao.

No comments: