Tuesday, January 30, 2007

Bakit Nariyan Ka?

Isang hapon, tinipon ko ang aking mga lumang kopya ng Kerygma magasin para dalhin sa bookbinder. "Maganda itong ipamana sa mga pamangkin ko." sabi ko sa aking sarili.

Binalikan kong isa-isa ang lahat ng mga sinulat ko na nalathala sa loob ng pitong taon. Namangha ako at nagamit ng Panginoon. Marami sa mga nakapanayam ko ay kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Mga artista, sikat na tao, mga miyembro ng iba't-ibang Catholic community at di gaanong kilalang tao. Pero sinuman sila, lahat ay nagbibigay puri sa mga ginawa ng Panginoon sa kanilang buhay.

Nakakamanghang isipin na nangungusap sa akin ang Diyos sa bawat panayam at kwentong isinulat ko.

Ito ang dahilan kung bakit nagsusulat pa rin ako hanggang ngayon. Kahit hindi naman ako ganoon kagaling magsulat, at mga pangkaraniwang salita lang ang ginagamit ko, at kahit may ibang manunulat na mas magaling kaysa sa akin, sigurado ako na dito pa rin ako tinatawag ng Panginoon. Mananatili ako rito hanggang tawagin Niya akong magsilbi sa ibang paraan. Tess VA.

Pagninilay: Inilagay ka ng Panginoon kung saan ka ngayon dahil may kailangan Siyang ipagawa sa iyo.

Ipakita Niyo sa akin ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon at bigyan N'yo ako ng lakas na magampanan ko ang aking misyon.

No comments: