Sunday, January 28, 2007

Bakit Ako Ipinanganak?

Second year college ako noong naging popular ang The Purpose of Driven Life ni Rick Warren. Ilang chapter pa lang ang nabasa ko at natupad na ng manunulat ang layunin niya. Tinatanong ko na ang sarili ko kung ano nga ba ang misyon ko sa buhay.

Sabi ng aklat, lahat tayo ay may layunin sa buhay. Isang natatanging misyon na kailangan nating gampanan. Naniniwala ako rito. Kaya lang, minsan, dahil sa dinami-dami ng ginagawa ko, hindi ko na naiisip ito. Madalas ay naiisip kong mabubuhay ako at mamamatay na hindi man lang makapag-iwan ng makabuluhang kontribusyon sa mundo. Kung ganoon, eh di parang walang silbi lang ang pagkapanganak ko, di ba?

Ngayon ay unti-unti nang ipinapakita ng Panginoon kung ano ang dapat kong magampanan. Maaring di ko pa masyadong maunawaan ito dahil sa aking kabataan, ngunit kung patuloy akong makikinig sa Kanyang tinig, alam kong magiging malinaw ang lahat sa akin. At sa Kanyang takdang panahon, makikita ko ang katuparan ng aking misyon sa buhay. Tina M.

Pagninilay: Naiinip ka bang malaman kung ano ang misyon Niya para sa Iyo? Makinig ka lang sa Kanya at sa sarili mo.

Ipakita Ninyo sa amin kung bakit Ninyo kami nilikha at kung bakit kami ipinanganak.

No comments: