Monday, January 8, 2007

Kaninong Ngiti?

Pagsunod na walang pasubali. Mahirap. Di kapansin-pansin. Subali't ito ang sumasagip sa mga sumusunod sa karapat-dapat.

Ang pagtalima ay tumitiim sa puso ng tao. Nililigalig ang kayabangan, ang bagay na naging sanhi ng kaguluhan sa ating mundo.

Hesus. Anak ng Diyos. Hari ng daigdig. Diyos ng mga diyos. Ang lumikha ng sanlibutan. Ang nakaluklok sa kaitaasan, na kahit langit ay di matarok ang kadakilaan. Inilublob sa tubig ng ilog, bininyagan ng isang marungis. Si Juan Bautista, na ni hindi marapat na magtanggal ng tali ng Kanyang sandalyas, ang nagbautismo sa Kanya. Bakit? Dahil sinabi ng Diyos Ama.

Bakit ka tatanggi kung isang maganda at seksing babae ang mag-aayang sumiping sa iyo? Bakit ka magiging tapat kung ang lahat ay nangungutakot, maliban sa iyo? Bakit ka pa maghihintay at maniniwala na mayroong mas mabuti para sa iyo, kung parang napakabagal ng tugon ng Diyos? Bakit ka maniniwala sa pagmamahal ng Diyos kung ikaw ay may kanser na napapahirap sa iyong katawan? Dahil sabi ng Diyos.

At sapagkat ang ngiti Niya ay walang kapantay. Jon E.

Pagninilay: Kaninong ngiti ang gusto mong makita araw-araw?

Hinihintay namin ang araw na bigkasin Mo sa amin: "Ito ang minamahal kong anak, na lubos kong kinalulugdan."

No comments: