Wednesday, January 3, 2007

Salamat Sa Kordero

Sa Lumang Tipan, nung nilipol ng Anghel ng Kamatayan ang mga panganay sa Ehipto. ang mga anak ng Israelita ay nakaligtas. Paano? Bawat pamilya ay kumuha ng tupa na walang kapintasan, pinatay at ipinahid ang dugo nito sa pinto ng kanilang mga bahay. Kapag nakita ng Anghel ng Kamatayan ang simbolong ito, nilalampasan nito ang bahay. Sa madaling salita, ang namatay na tupa ang pumalit sa panganay na anak, at sumagip sa buhay nito.

Tinatawag na Paskuwa ang araw na ito at ipinagdiriwang pa rin ng mga Hudyo hanggang sa ngayon.

Mahirap isiping si Hesus ay pahihirapan at ipapako sa krus. Pagkatapos magdiwang ng Pasko - ang pagdating ni Hesus bilang sanggol sa ating daigdig. Ngunit ito ang katotohanan ng talatang nakasulat sa Biblia.

Dahil sa ating kasalanan, nararapat tayong mamatay (Roma 6:23). Pero iniligtas tayo ni Hesus (Galacia 1:4). Tulad ng kordero sa Paskuwa na nagbuwis ng buhay para sa kaligtasan ng mga Israelita, si Hesus, ang Kordero ng Diyos, ay iniligtas tayo sa tiyak na kamatayan. Dahil dito, dapat tayong magpasalamat ng buong-puso. Rissa S.

Pagninilay: "Ang sentro ng ating kaligtasan ay ang Krus ni Hesus at ang dahilan kung bakit napakadaling makamtan ito ay dahil napakalaki ng ibinuwis ng ating Panginoon." (Oswald Chambers)

Panalangin: Sa ating Diyos ng kapurihan, kadakilaan, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen!

No comments: