Wednesday, April 11, 2007

Matatag Ba Ang Pananampalataya Mo?

Ang Mga Gawa 3:1-10
Salmo 105:1-2, 3-4, 6-7, 8-9
Lucas 24:13-35

Noong sinabi ng doktor na walang lunas ang sakit sa puso ng aking anak, matindi kong sinuyo ang Panginoon. Dahil doon, nagpakilala ang Panginoon sa akin sa mga paraan na hindi ko inaasahan simula pa noong nanahan ang Espiritu Santo sa akin 20 taon nang nakakaraan. Sigurado ako na magmimilagro ang Diyos at papagalingin Niya ang aking anak para sa Kanyang kaluwalhatian.

Pagkalipas ng limang buwan, namatay ang aking anak. Nabigla ako. Pakiramdam ko nilinlang Niya ako. Akala ko ba Panginoon at Tagapagligtas Siya? Bakit hindi Niya napagaling ang anak ko? Bigla akong nagduda kung totoo ang sinasabi ng Biblia tungkol sa Kanya. Lumuhod ako at sinabi sa Kanyang hindi ako aalis hanggang masumpungan ko ang katotohanan tungkol sa Kanya.

Pagkalipas ng isang linggong pag-aalinlangan, nagising ako sa katotohanan. Tunay nga Siyang Diyos at Dakilang Manggagamot. Hindi man Siya nagpakita sa akin, nagising naman ako sa bagong umaga na mapayapa ang puso ko. Sa kaibutaran ng aking sarili, alam kon tunay nga Siya. Ronna L.

Pagninilay: Gaano katatag ang iyong pananalig sa Kanya?

Panginoon, gusto kitang makilala.

No comments: