Tuesday, April 10, 2007

Ipamahagi Ang Salita

Ang Mga Gawa 2:36-41
Salmo 33:4-5, 18-19, 20, 22
Juan 20:11-18


Ayaw kong maniwala sa mga sinasabi ni Dan Brown tungkol kay Hesus at Maria Magdalena. Kasinungalingan 'yon! Ngunit naniniwala ako na malapit ang loob ni Maria Magdalena kay Hesus. Dahil sa kanya unang nagpakita si Hesus.

Bakit sa kanya? Dahil si Maria ay naghihintay sa Kanya sa labas ng libingan samantalang lahat ay umuwi na (Juan 20:10-11). Sinabi niya, "Nakita ko ang Panginoong Hesus!" at ipinamalita ang sinabi Niya.

May mga bagay na dapat ilihim sa iba at merong mga dapat ipaalam. Madalas may nagsasabi, "Pinagpapala ako ng Panginoon pero hindi ko nalang pinagsasabi at baka isipin ng iba na nagyayabang ako." O kaya, "Naghimala ang Diyos sa buhay ko ngunit baka isipin nila na nababaliw ako kaya mananahimik lang ako."

Tungkulin natin na ipahayag si Kristo. Humayo tayo at ibalita sa buong mundo ang tungkol kay Hesus. Tulad ni Maria Magdalena, kung nais natin makita si Hesus, hintayin natin Siya, manatili sa Kanya, at ipamahagi ang salita ng Diyos. Sabihin natin, "Nakita ko ang Panginoon. Siya ay buhay!" Alvin B.

Pagninilay: Ikaw ba ay nag-aalinlangan na ipamahagi ang ginawa ng Diyos sa buhay mo? Subukan mong sabihin ang tungkol sa Kanya ngayon.

Hesus, aking Panginoon, punuin Mo ako ng Inyong grasya upang makita Kita at maihayag Ka sa iba. Amen

No comments: