Tuesday, April 17, 2007

Ang Tarangkahan At Ang Masasayang Tao

Ang Mga Gawa 4:32-37
Salmo 93:1ab, 1cd-2, 5
Juan 3:7-15

Habang papunta ang aking boss sa opisina, nakaranas siya ng mild stroke. Dinala siya sa ospital at doon siya'y nag-agaw buhay. Nakita na lamang niya ang kanyang sarili sa harap ng tarangkahang napapaligiran ng mababangong bulaklak. Nakakita din siya ng mga tao na tila kay saya. Isa sa mga kaibigan niya ay nakatayo kasunod niya, at nakatingin din sa mga tao doon.

Nabuhay ang boss ko at nalaman niya na ang kaibigang nakita niya sa kanyang pangitain ay inatake din at nabuhay. Noong magkita sila muli, ang suot ng kanyang kaibigan ay kapareho nung kasuotan niya sa may tarangkahan.

Ano ang lugar na iyon? Langit kaya? Maaari nga, dahil ang ebanghelyo ang nagsasabi na mayroong buhay na walang hanggan at kung itataas natin ang Anak ng Tao, tayo ay mabubuhay na masaya habang buhay. Ang pagtataas kay Kristo ay nangangahulugan na pagtanggap sa Kanya bilang sariling tagapagligtas, pagsamba, pagsunod, at pamumuhay na banal, hanggang sa kunin niya tayo upang makibahagi sa walang hanggang kasiyahan kasama Niya. Cindy S.

Pagninilay: Ano kaya ang itsura ng langit?

Panginoon, tulungan Mo akong mamuhay ng banal, upang maging karapat-dapat ako sa langit.

No comments: