Wednesday, March 21, 2007

Huwag Kalimutan

Sa dami ng inaasikaso ng isang ina, malamang meron siyang malilimutan. Oo, kahit sarili niyang anak. Nakarinig na ako ng mga kwento ng mga ina na nakalimot sunduin ang anak sa eskwela, naiwan nila sa tindahan ang anak nila. May isa, nalimutang pumunta sa graduation ng anak niya at wala siya upang ikabit ang medalya sa anak niya. O kaya nakalimot paghandaan ng pagkain ang pamilya.

Naranasan ko rin yan sa sarili kong ina. Hindi ko naisip na aabot sa panahon na malilimutan niya kung sino ako. May Alzheimer's disease kasi ang nanay ko. Una, nalilimutan lang niya ang mga sinabi ko. Kalaunan, pati na kung saan ako nakatira. Nung grumabe na, nalimutan na niya ako kung sino ako.

"Ano? Anak kita?" tanong niya sa akin na tila hindi ako naniniwala. Nang umoo ako, ang sagot niya, "Oww?"

Mahirap isipin na malilimutan ng isang ina ang kanyang anak. Pero nangyari sa akin. Ngayon, isipin mo kung anong ibig sabihin ng Diyos nung sinabi Niya na hindi Niya tayo malilimutan.

Naalala Niya ang lahat ng pangako Niya.

Naalala Niyang basbasan tayo. Naalala Niyang protektahan tayo. Naalala Niyang bigyan tayo. Hindi Siya nakakalimot. Rissa S.

Pagninilay: Naniniwala ka ba na kayang tupdin ng Diyos ang lahat ng sinabi Niya?

Banal na Espiritu, ipaalala mo sa akin ang lahat ng pangako ng Diyos.

No comments: