Tuesday, March 6, 2007

Ang Lihim Na Kalaban

Katatapos ko lang mamuno sa "baptism" sa isang Life in the Spirit Seminar at sobra ang gutom at pagod ko. Pumasok ako sa unang kainan na nakita ko at kumain na parang walang bukas.

Habang humihigop ako ng sabaw at nagbabasa ng aklat, nakita kong tinititigan ako ng isang malaking mama na nakakunot ang noo. Gustong kumawala ng aking pagkabarumbado, ugaling akala ko'y naalis ko na. Tinitigan ko rin siya, hindi talaga tumitigil si King Kong. Muntik ko na sana siyang hamunin, "Anong problema mo, pare?"

Biglang nagsalita ang mama, "Ikaw ba 'yung nagsalita sa LSS namin kanina? Sorry nakatitig ako ha? Hindi kasi kita makilala dahil di ko suot ang aking salamin."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Napalitan ng matinding hiya ang galit ko, at niyakap ko na lang siya.

Humingi ako ng tawad sa Panginoon. Napagmuni-muni ko na habang nabubuhay tayo, hindi natin lubos maiwasang gumawa ng masama. Kaya't lagi nating kailangan ang awa at patnubay ng Diyos. Dahil sarili natin ang pinakamatindi nating kaaway. "Kinakailangang Siya'y maging dakila, at ako naman mababa." (Juan 3:30) Obet C.

Pagninilay: Kapag tiningnan tayo ng mga tao, maaalala ba nila ang Diyos?

Baguhin Niyo ang aking puso. Nawa'y maging tulad sa Inyo.

No comments: