Tuesday, May 1, 2007

Siya Na Ba?

Genesis 1:26 - 2:3
o Colosas 3:14-15, 17, 23-24
Salmo 90:2, 3-4, 12-13, 14, 16
Mateo 13:54-58

Nais malaman ni Marie kung ang manliligaw niyang si Clem ay talagang para sa kanya. Siya ay mestizo, malambing at magaling magsalita. Laging kinikilig si Marie kapag nagsalita na si Clem. (Halimbawa: "Kung ang mga bituin sa langit ay babagsak sa tuwing iniisip kita, ang langit ay mawawalan na ng bituin.")

Ngunit binabalaan siya ng kanyang magulang, "Marie, wala siyang trabaho!" Ang sagot naman niya, "Gusto lang niya ang kalayaan niya; hindi siya pwedeng ikahon." Sinabihan din siya ng kanyang pinsan, "Marie, playboy siya, eto ang listahan ng mga babaeng niloko niya," at inabutan siya ng directory. Sinabi ni Marie, "Palakaibigan lang talaga siya." Ganun din, sinabi ng kanyang mga kaibigan, "Napapansin mo ba ang marka ng karayum sa kanyang braso? Adik yan." Sagot ni Marie, "Hindi, mahilig lang siya mag cross-stitch."

Malimit, nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng ordinaryong tao. Pero hindi natin kinikilala ang ating mga propeta kung wala sila sa mataas na bundok, at nakasuot ng makintab na balabal at may mahabang balbas. Ayaw natin ang mga naka-jeans at t-shirt. Sayang. Naiwasan sana ni Marie ang paghihirap. Bo S.

Pagninilay: Makinig sa mga taong may sentido kumon.

Panginoon, ipakita Mo ang propeta na pinadala Mo para sa akin, hayaan Mo na malaman ko ang iyong sinasabi sa pamamagitan nila.

No comments: