Wednesday, February 28, 2007

Senyales Yan!

Isa sa mga paborito kong pelikula ay Got 2 Believe. Si Toni ang bida. Humingi ng senyales kung totoo ba niyang mahal si Lorenz. Nang mangyari ang hinihintay niya, ayaw niyang maniwala. Kailangan pang sabihan siya ni Lorenz sa bandang huli ng "I love you" para maniwala na siya talaga.

Dati ay mahilig din akong humingi ng mga senyales. Minsang hiningi ko ang isang partikular na plate number bilang senyales na itetext ko ang isang tao. O kung sa concert ng Freestyle ay tinugtog nila ang "Missing You," ibig sabihin huwag akong mawalan ng pag-asa sa crush ko.

Pero ngayong nag-mature na lang ako at nakita ko na di naman talaga ibig sabihin na kung dumating ang senyales na hinihingi mo ay mangyayari na talaga ang gusto mo. Mas mabuti pang huwag na lang pansinin ang mga senyales na dumarating dahil kadalasan hindi na nakikita ang tunay na biyaya ng Diyos!

Ngayon, hindi na ako humihingi ng senyales. Naniniwala at nananalig na lang ako sa pag-ibig ng Panginoon. Di niya ako papabayaan. Tina M.

Pagninilay: Ang iyong pananampalataya ba ay naka-depende sa mga senyales o sa pag-ibig ni Kristo?

Sana nawa'y sapat na ang Iyong pagkabuhay at pagkamatay bilang simbulo ng pag-ibig Mo.

Tuesday, February 27, 2007

Masakit Man Sundin

Sama-sama kami at nagyayakapan para di kami umiyak. Misa ng lamay ng aming ina. Magkahawak kami habang nagdasal kami ng Ama Namin. Di na namin kayang pigilin ang aming mga luha. Gusto ko man bigkasin ang mga salitang, "Sundin ang loob Mo," ay di ko magawa. Mahirap talagang sundin ang kalooban ng Diyos!

Nang dumating ang unang Pasko na di namin kasama si Mommy, muli kaming nagsama-samang magkakapatid at sinikap na naman naming huwag umiyak. Subali't di namin napigilan ang pagluha nang awitin namin ang Ama Namin. "Panginoon, masakit pa rin sundin ang loob Mo."

Apat na taon na ang nakararaan. Bumabalik-balik pa rin ang sakit at lungkot ng pagkawala ni Mommy. Pero may liwanag at kaligayahan na rin. Higit akong naging matatag na tanggapin ang paglisan niya. Naiintindihan ko na tinawag na siya ng Panginoon para mamahinga. At alam Niya na pag wala na si Mommy, magiging mas malakas ako at mas matatag.

Salamat, Panginoon, sa kalooban Mo. Tess VA.

Pagninilay: Kahit na masakit sundin ang kalooban ng Panginoon, gawin mo ito upang matuto kang maging lalong matatag.

Salamat, Panginoon, sa kalooban Mo.

Monday, February 26, 2007

Ginoong Mortis

Meron daw isang baguhang reporter na hirap na hirap pahabain ang sinulat niyang balita. Kaya't kinakailangan niyang mag-imbento ng mga detalye. Sabi niya: "Pagdating ng pulis sa pinangyarihan ng krimen para tingnan ang bangkay, nandoon na si Rigor Mortis. Nang inusisa nila si G. Mortis, sinabi nito na wala siyang kinalaman sa krimen." Nakakatawa di ba? Hindi ba niya alam na ang rigor mortis ay hindi pangalan ng tao kundi ang pagtigas ng bangkay makalipas ang ilang oras? Isang malaking kasinungalingan, ngunit sa maniwala kayo o hindi, nailathala ang balitang ito.

Ang pagiging makatotohanan ay mahalaga di lamang sa pamamahayag kundi sa lahat ng bahagi ng buhay. Utos ito ng Diyos sa unang pagbasa natin. Ang mga adik na nagsisikap na iwaksi ang kanilang bisyo ay kailangang maging "matigas" sa katotohanan ng kanilang pagkalulong. Ito ang susi sa muling pagsisimula at pagbabalik-loob sa kanila ng kanilang mga minamahal. Suriin nating mabuti kung may mga bahagi pa ng ating buhay na kailangan nating magmatigas sa pagpapakatotoo, bago pa dumating si G. Mortis. Roy M.

Pagninilay: Sana tingnan natin ngayon kung nagpapakatotoo ba talaga tayo. Huwag nating hintaying dumating si G. Mortis.

Ikaw ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay, O Hesus.

Sunday, February 25, 2007

Humayo Sa Disyerto

Bago ako mag-25 anyos, nagdesisyon akong mag-retreat tuwing linggo sa loob ng isang buwan. Minsang sumasama ako sa isang grupo, at minsan naman solo ako. At kung ordinaryong araw, paladasal ako, at isinusulat ko lahat ng nangyayari sa akin at lahat ng pagninilay ko sa isang journal.

Marami kasing nangyayari sa buhay ko noon. Di naman sila mahihirap na pagsubok, kaya lang, ang dami kong tanong. Nalilito ako at di ko alam kung ano ang sunod kong gagawin. Sabi ng iba, dumaranas raw ako ng "quarter life crisis." Di lang pala mid-life crisis ang nangyayari sa tao.

Ito ang natuklasan ko. Pinag-retreat ako ni Lord kasi gusto Niyang lumabas ako sa magulo at maingay kong mundo. Parang inimbita Niya akong pumasok sa disyerto para magkaroon ako ng panahon na kausapin Siya. Matapos ang buwan na iyon, naramdaman kong nagawa ko ang nais Niya, at ang kailangan ko - ang umupo at magpahinga sa piling ng aking Ama. Napakagandang karanasan! Cotics C.

Pagninilay: Kailan ka huling umupo lang sa tabi ng Ama at nakipagkwentuhan?

Panginoon, patahimikin Ninyo ang ingay sa buhay ko, para ang marinig ko ay boses Niyo lamang.

Saturday, February 24, 2007

Pag-ahon Sa Kahirapan

Nanggaling siya sa mahirap na pamilya. Ang hanapbuhay ng kanyang mga magulang ay pagtitinda ng kendi sa maliliit na tindahan sa probinsya. Lumuwas sila ng Maynila noong panahon ng Hapon, pero umuwi rin sa probinsya. Matalino siya at nagkamit na parangal. Ngunit dahil sa kahirapan, tumigil na siya sa pag-aaral pagkatapos ng Grade-4.

Sa gulang na labing-apat, ipinakasal siya ng kanyang ama sa isang lalaking mapang-abuso. Nagsilbi siyang alipin sa mga kamag-anak ng asawa niya na gumugulpi sa kanya. Iniwan niya ito dala ang kanyang dalawang anak matapos ang pitong taon.

Bumili siya ng segunda-manong makina at natuto siyang manahi. Sinubukan din niyang magtinda ng tinapay. Nakapagpatayo siya ng sariling panaderya, ngunit nasunog ito. Subalit hindi siya sumuko. Nagpatayo siya ng department store, at sa tulong ng pautang ng bangko ay napalaki niya ito at naging NE Pacific Mall sa Cabanatuan, Nueva Ecija. May-ari na siya ng apat na mall, isang subdibisyon at "investments" sa iba't-ibang kumpanya. Siya si Leticia Uy, ang presidente ng NE Group of Companies. Judith C.

Pagninilay: Hinahayaan mo ba ang sarili na hilahing pababa ng kalungkutan?

Salamat, Panginoon, at tinuturuan Mo akong bumangon kahit na pakiramdam ko ay huli na ang lahat.

Friday, February 23, 2007

Laging Narito

May isang punto sa buhay ko na ayoko nang gumawa ng mabuti. Bakit? Dahil hindi naman yata nakikita ng Panginoon ang mga ginagawa kong kabutihan!

Nagbibigay ako ng limos.
Tinutulungan ko ang aking mahihinang estudyante.
Tinutulungan ko ang mga ulila.
Nagdarasal ako.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ginagawa ko, halos di ko na maiahon ang sarili ko sa mga problema. Hindi na yata makatarungan ito.

Subalit bigla kong naalala, nilikha tayo ng Diyos dahil sa Kanyang kabutihan at pagmamahal. Nang sa gayon, ang lahat ng ginagawa kong mabuti ay di nanggagaling sa aking sariling kalakasan, kundi sa Kanya rin nagmumula. Naging kasangkapan lamang ako ng Kanyang kabutihan. Dapat akong mahiya! RosAnn J.

Pagninilay: Pinagmamasdan ka ng Diyos. Damhin mo ang kanyang pag-ibig.

Huwag N'yo pong hayaang ako'y makalimot na lagi Ninyo akong pinagmamasdan.

Thursday, February 22, 2007

Pagnakaw Sa Langit

Si Jim at Tammy Bakker ay dating pinuno ng pinakamalaking samahang Kristiyano sa America. Nagmula sila bilang ordinaryong manunuro at sumikat sila noong naging bahagi ng programang 700 Club. Nagkaroon sila ng sarili nilang programa sa telebisyon, The PTL Club.

Tinuro nila ang "ebanghelyo ng kasaganaan." Hinikayat ang mga tagasunod nila na ibigay ang lahat sa Panginoon. Lumaki ng lumaki ang mga donasyon nila. Ang mag-asawang Bakker naman ay walang tigil sa paggastos nito. Kalahating milyon dolyares ang ginagastos nila at kanilang ministry kada araw. Tinago nila ang pere sa kanilang mga personal na bank account. Winaldas nila ang iba sa mga luho nila. Nakulong si Jim dahil dinispalko niya ang salapi na binigay ng mga tagasunod nila sa Panginoon.

Dati naniniwala ako na kalooban ng Panginoon magsuot ng mamahaling damit at sapatos ang Kanyang mga alagad. OK pa rin sa akin iyon basta ang perang ginamit nila doon ay hindi mula sa salapi na dapat mapunta sa gawain ng Panginoon.

Ibig ng Diyos na maging masagana ang buhay ng Kanyang mga anak. Kaya nga Niya tayo binigyan ng mga kakayahan at talento upang magtrabaho at magsikap. Rissa S.

Pagninilay: Ano ba ang konsepto ko ng kasaganaan?

Panginoon, Ikaw ang aking kayamanan. Walang katulad Mo.