Monday, April 30, 2007

Paghahanap Ng Kalooban Ng Diyos

Ang Mga Gawa 11:1-18
Salmo 42:2-3, 43:3, 4
Juan 10:1-10

Dahan-dahang sumisikat ang araw sa silid kung saan kami nagdadasal. Ang malamig ng hangin mula sa Dagat ng Galilea sa harap namin ay dumampi sa aming mga pisngi. "Hinga papasok, bumuga palabas," nilalagyan ng tono ng aming lider.

Habang sumusunod ako, nagkaroon ako ng pangitain. Nakita ko ang aking sarili sa dulo ng mahabang tulay. Sa kabilang dulo ay si Hesus, inabot ang Kanyang kamay sa akin at sinabi, "Lumapit ka."

Binuksan ko ang aking mga mata. Imahinasyon ko lang ba iyon? Ang aking mga kasamahan ay nakapikit pa rin ang mga mata. Kaya pumikit ako muli, at pinagpatuloy ang paghinga papasok, buga palabas, "Panginoon, tinatawag mo ba akong maging madre?"

Nangyari ito noong Mayo 1997. Ang paghahanap ko sa kalooban ng Diyos ay nagkaroon ng kasagutan. Minsan hindi tiyak na oo o hindi, ngunit nakikinig ako ng husto para matugon ang Kanyang tawag. Tess VA.

Pagninilay: Alalahanin mo ang mga panahon na tinatawag ka ng Diyos. Paano ka tumugon?

Panginoon, buksan Mo ang aking puso upang marinig ko ang tawag Mo.

Sunday, April 29, 2007

Ang Bulag Na Umakay Sa Bulag

Ang Mga Gawa 13:14, 43-52
Salmo 100:1-2, 3, 5
Pahayag 7:9, 14-17
Juan 10:27-30

May isang batang Pranses na ang pangalan ay Louis. Natusok niya ang kanyang mata noong tatlong taon pa lamang siya. Naimpeksyon ito at kumalat sa kabilang mata. Makalipas ang ilang araw siya ay tuluyang nabulag.

Sa kabila ng kanyang kapansanan, nabuhay siya ng normal. Tumutulong siya sa gawaing bahay at pumapasok sa eskwela. Pinadala siya sa Special School for the Blind sa Paris sa edad na 10 taong gulang.

Mahilig si Louis magbasa. Ang mga aklat sa silid-aklatan ay may malalaking letra na naka-angat sa pahina. Nararamdaman niya sa kaniyang mga kamay ang bawat letra ngunit matagal niyang mabasa ang isang pangungusap. "May mas magandang paraan," naisip niya.

Pinag-aralan ni Louis ang "nightwriting" ng ginagamit ng militar ng Pranses. Dito, ang mga tuldok ay nakaumbok sa matigas na papel at masasalat mo. Nagustuhan ni Louis ang pamamraang iyon at nagsimulang gumawa ng sarili niyang alpabeto. Kaya nagkaroon ng Braille Alphabet. Salamat sa kanya, ngayon mabilis at madaling nakakabasa ang mga bulag. Judith C.

Pagninilay: Paano mo mapapagaan ang gawain ng iyong mga kasamahan?

Nawa ang aking mga kahinaan ay gamitin Ninyo upang tulungan ang mga nanghihina.

Saturday, April 28, 2007

Pagtulog Sa Tag-init

Ang Mga Gawa 9:31-42
Salmo 116:12-13, 14-15, 16-17
Juan 6:60-69

Madalas nasisira ang pagtulog ko tuwing bakasyon. Pag summer lampas hatinggabi na ako kung makatulog. Kaya nagigising ako ng mga alas 10 ng umaga o lampas pa. Dahil dito, halos tanghalian na ako nakakapagdasal.

Kaya nagdesisyon ako ng baguhin ang oras ng aking pananalangin sa alas siete ng umaga.

Kahit alam ko na mahirap gawin, nangako akong tutuparin ko iyon. Maraming beses na nakakatulog ako habang nagdadasal. Nabibilang ko kung ilang beses ako nakakapagdasal na gising sa itinakda kong oras.

Pero dahil sa pinahahalagahan ko ang oras ko sa Panginoon, sinisikap ko pa rin na gumising ng alas-siete. Alam ko pinahahalagahan ng Diyos ang aking pagsusumikap dahil gusto ko Siyang pinakauna kong kakausapin sa umaga. Tina M.

Pagninilay: Ano ang kailangan mo upang ikaw ay gumaling?

Hilumin Mo ako, Panginoon, upang magawa ko ang Iyong kalooban.

Friday, April 27, 2007

Panliligaw Ni Hesus

Ang Mga Gawa 9:1-20
Salmo 117:1-2
Juan 6:52-59

Ang ating relasyon kay Hesus ay tulad ng ligawan ng isang lalaki at babae. Sa una ay sinisikap ng lalaki na makuha ang atensyon ng babae. Ngunit kapag nabigo siya sa kanyang ginagawa, naghahanap siya ng magiging tulay.

Nakuha ni Hesus ang aking atensyon nang ako ay naglakbay minsan sa Holy Land. Binihag Niya ako ng Kanyang nakamamanghang pag-ibig sa bawat lugar na aming pinupuntahan lalo na sa Bethlehem kung saan Siya ipinanganak. Dahil sa tindi ng Kanyang pag-ibig, ninanais ko na maging kabiyak Niya bilang madre. Kaya lang, hindi iyon ang plano Niya para sa akin.

Si Sr. Mary James Wilson, RGS, ang naging Ananias ko at hanggang ngayon ginagabayan pa niya ako. Iminulat niya ang aking mata sa pananampalataya at tinanggap niya ako ng lubusan.

Sa bawat pagkakataon, ipinapadama ni Hesus ang Kanyang pag-ibig sa iba-t-ibang paraan. At di Siya nagkulang na ipadala ang mga Ananias sa buhay ko! Tess VA.

Pagninilay: Sino ang pinadala ng Diyos sa buhay mo bilang iyong Ananias?

Panginoon, sa panahon na hindi Kita binibigyan ng pansin, bigyan Mo ako ng grasya upang makita Kita.

Thursday, April 26, 2007

Hindi Ka Nag-iisa

Ang Mga Gawa 8:26-40
Salmo 66:8-9, 16-17, 20
Juan 6:44-51

Hindi madali ang magtayo ng bagong kumpanya. Alam ko dahil ginagawa ko ito ngayon. Mga permits at SEC papers ang unang bahagi ng trabaho. Pati paghahanap ng mga investors. At syempre kailangan din na gumawa ng business plan, feasibility study at marketing strategy, pati ang mga konstruksyon at mga kontrata. At ang huli ay kung paano paiikutin ang pera.

Hay! Sinusulat ko pa lang nakakapagod na!

Ngunit iyon ang dahilan kung bakit kami may consultants. Mas may kaalaman sila kaysa sa aming mga partners. Binigyan nila kami ng sapat na impormasyon para makagawa ng desisyon.

Hindi nilikha ng Diyos ang tao para mabuhay mag-isa at hiwalay sa iba. Kung iyon ang nais Niya, hindi magkakaroon si Adan ng Eba. O kaya'y hindi niya inutusan si Felipe na habulin ang pinunong taga-Etiopia.

Meron ka bang malaking problema? Maaaring hindi mo pinapansin ang kamay na inaabot sa iyo ng isang kaibigan. Payo ko sa iyo: Tumingin ka sa iyong paligid at mapapansin mo ang mga biyaya ng Diyos sa iyo. Victoria L.

Pagninilay: Ikaw ba ay umaasa lamang sa sarili?

Salamat sa mga taong pinapadala Mo para tuloy pa rin ang aking paglalakbay patungo sa Iyo.

Wednesday, April 25, 2007

Pagbabalik Sa Eskwela

1 Pedro 5:5-14
Salmo 89:2-3, 6-7, 16-17
Marcos 16:15-20

Dati ko pang gustong mag-aral ng Masters. Isa iyon sa ninanais ng puso ko, ngunit inaalala ko ang oras, panahon at pinansyal na pangangailangan. Hindi ko rin alam kung mababalanse ko ang aking pagtatrabaho at pag-aaral.

Sa wakas, matapos ang limang taon na pagtatrabaho (pagkatapos na sabihin sa akin ng Diyos na kalimutan ang mga alalahanin), nag-enrol ako. Sa loob ng unang dalawang linggo sa MA Program, hindi na ako nakakatulog ng sapat.

"Kaya ko bang tapusin ito?" Gusto ko nang huminto na lang sa pag-aaral. Ngunit naramdaman ko na nangusap ang Diyos, "Magtiwala ka sa Akin, Ako ang nagdala sa iyo dito. Ako ang magsusuporta sa iyo. Ibibigay ko ang lahat ng pangangailangan mo para malaman mo na ito ay totoo."

Sa puntong iyon isinuko ko lahat ng aking alalahanin sa Diyos. At naging mabunga at masagana ang aking karanasan. Higit pa dito, nakapasa ako sa unang semestre na may matataas na grado, at ngayon ay nasa ikalawang semestre na ako! Coltics C.

Pagninilay: Pagod? Lapit ka lang sa Kanya.

Panginoon, ibinibigay ko ang lahat sa Iyong harapan. Turuan Mo ako na magtiwala na hindi Mo ako bibigyan ng pagsubok na hindi ko kakayanin, at ang Iyong pagmamahal ay laging nasa akin.

Tuesday, April 24, 2007

Basahin Ang Mga Tanda

Ang Mga Gawa 7:51 - 8:1
Salmo 31:3-4, 6, 7, 8, 17, 21
Juan 6:30-35

Fourth year college ako nang bumisita kami ng aking kaibigan sa isang kilalang auditing firm. Nasabi ko sa aking sarili, "Magiging auditor ako sa kompanyang ito."

Nakatapos ako ng kolehiyo at nanalo sa National Accounting Quiz na suportado ng kompanyang ito. Akala ko ay madali akong makakapasok sa trabaho dito. Gayunpaman, nang mabasa ng audit partner na ang aking kahinaan ay ang pagiging masumpungin (isinulat ko iyon dahil wala akong maisip na sagot), sinabi niya sa akin, "Hindi ka karapat-dapat na maging auditor." Nanlumo ako nang husto dahil di natupad ang aking pangarap.

Pagkalipas ng ilang linggo, nakatanggap ako ng telegrama mula sa kumpanya. Inalok ako ng kontraktwal na trabaho. Nung una, walang kinalaman ang aking trabaho sa auditing, pero lumipas ang isang buwan, nalipat ako sa Audit Division. Sa ika-anim na buwan naging regular na empleyado ako, na-promote ako pagkalipas ng dalawang taon at ipinadala sa U.S. upang mag-training.

Alam ng Diyos na ako ay karapat-dapat na maging auditor doon. Hindi na Niya kinakailangang magpakita pa ng tanda. Judith C.

Pagninilay: Paano mo hinuhusgahan ang mga tao?

Salamat po, Panginoon, dahil minahal Mo ako maging sinuman ako.

Monday, April 23, 2007

Hindi Ito Tungkol Sa Akin

Ang Mga Gawa 6:8-15
Salmo 119:23-24, 26-27, 29-30
Juan 6:22-29

Sa tuwing ako ay nananalangin, humihingi ako ng aking pangangailangan. Minsan, ang hinihingi ko ay kung ano ang gusto ko. At ipinagkakaloob naman ng Diyos.

Kapag hindi Niya tinugon ang aking dasal sa paraan na aking inaasahan, nagpapatuloy ako sa pagdarasal hanggang sa manghina ang aking pananampalataya. Sinisisi ko Siya sa lahat, pati sa hindi magandang pangyayari.

Pero pagkatapos ng mga matinding pagsubok, dumarating ang karunungan ng Diyos.

Nauunawaan ko na hindi ko dapat pilitin ang Diyos na ibigay ang mga inaasahan ko. Alam niya ang makabubuti sa akin. Ang kailangan kong gawin ay manalig upang maunawaan at malaman ang Kanyang nais.

Sa ganitong paraan ko matatanggap ang anumang ipagkaloob Niya sa akin.

Ang mahalaga ay ang nais Niya at hindi ang gusto ko. RosAnn J.

Pagninilay: Kanino umiikot ang mundo mo? Sa iyo o sa Diyos?

Ikaw ang nagpapaikot ng mundo, ang napapasikat ng araw at ang gumawa ng ulan. Ako ng nagpapakumbaba.

Sunday, April 22, 2007

Hanggang Sa Katapusan

Ang Mga Gawa 5:27-32, 40-42
Salmo 30:2, 4, 5-6, 11-12, 13
Pahayag 5:11-14
Juan 21:1-19

Naaalala pa ba ninyo ang pelikulang The Matrix? Yung eksena pagkatapos malaman nila ang katotohanan na ang kanilang mundo ay peke (nabubuhay sila dahil sa simulasyon ng programa ng kompyuter)? Si Neo (Keanu Reeves) ay bumalik sa Matrix at pinagmasdan ang mga tao sa paligid. Alam na niya na ang katotohanan ay may wire na nakatali sa kanila papunta sa kompyuter na naghahari sa mundo. Nalaman niya na kung ano ang sinabi ng kompyuter, hindi siya susunod. Siya ay may mas mataas na tawag.

Alam natin na si Neo ay hindi aabot para makita ang "katapusan". Pero iniisip niya ay ang kalayaan ng lahat ng tao. Kaya patuloy pa rin siya - sa tatlong pelikula!

Oops. Okay lang na malaman ninyo ang katapusan kahit hindi niyo pa napapanood. Bakit? Dahil tulad iyon ng ating katapusan. Marami sa atin ay hindi aabot para makita ang "katapusan" - ang muling pagbalik ni Hesus sa lupa. Ang mahalaga ay maging tulad tayo ng mga alagad sa Gawa 5. Masigasig at tapat hanggang sa katapusan. Jomar H.

Pagninilay: Ikaw ba ay tapat?

Bigyan Mo ako ng lakas upang maging tapat sa Iyo hanggang wakas.

Saturday, April 21, 2007

Maging Tulay

Ang Mga Gawa 6:1-7
Salmo 33:1-2, 4-5, 18-19
Juan 6:16-21

Alam mo ba kung bakit ganun na lamang ang hidwaan sa pagitan ng Tutsis at Hutu sa Rwanda? Nagsimula ito nang ang mga Belga ay dumating sa Rwanda. Pinili nila ang Tutsis upang maging pangalawa sa kanila. Ang dahilam: Ang Tutsis ay magaganda ang kutis at itsura, matatangos ang ilong at mas magandang tingnan kaysa sa mga Hutu. Kasama ng mga Belga, ang Tutsis ay namuno sa mga Hutu. Nang umalis ang mga Belga at naiwanan namuno ang Hutu ay sinimulan magpatayan ng dalawang tribo. Naganap ang masaker ng mga Tutsi.

Selos. Inggit. Pagtatalo. Ang pangangalaga sa kanyang grupo. Ito ay natural sa tao. Ang mga Helenista at Hebreo ay bihag dito tulad natin. Alam ng mga alagad na ang pag-ayos ng mga alitan ay hindi nila kayang atupagin kasabay ng pagsalita tungkol sa Mabuting Balita. Kaya sila ay pumili ng mga katulong. Sila ay matagumpay kung ang pagbabasehan ay ang katotohanan na buhay pa ang Kristiyanismo ngayon.

Ang grupo mo ba ay nagkakawatak-watak? Baka oras na upang pumili ng lider na kayang pag-isahin ang grupo. Gumawa ng tulay, huwag maghiwalay. Victoria L.

Pagninilay: Paano mo hinaharap ang mga pagsubok?

Salamat, Panginoon. dahil ang mga pagsubok ay nagpapalago sa amin.

Friday, April 20, 2007

Kapag Gumuho Ang Haligi

Ang Mga Gawa 5:34-4
Salmo 27:1, 4, 13-14
Juan 6:1-15

Madalas ay nakakarinig tayo ng mga kwento tungkol sa mga pari at mangangaral na nasangkot sa sex scandals. Ito ay nagiging dahilan kung bakit maraming tao ang nawawalan ng tiwala sa mga namumuno maging sa loob ng simbahan. Minsan ito rin ang nagbibigay daan upang mawalan ng pananampalataya at tuluyang umalis sa simbahan. Mahirap paniwalaan ang mga namumuno sa simbahan na nag-aabuso ng kanilang kapangyarihan at magtulak sa iba ng magkasala.

Atin bang naalala na ipanalangin ang mga namumuno sa ating simbahan, upang ang kapangyarihan ng Diyos ang magwagi? Bagamat totoo na walang ganap na simbahan, kung ang Diyos ang naghahari, hindi mapipigilan ang pagkilos Niya sa simbahan at ganun din sa mga namumuno. Ang mga grupong itinatag ng tao ay mawawasak dahil sa kanila ngunit ang itinatag ng Diyos ay mananatili kahit wala na ang mga namumuno. Jane G.

Pagninilay: Naaalala ba natin na ipagdasal ang namumuno sa ating simbahan?

Panginoon, pagpalain mo ang aming simbahan at ang mga namumuno at Iyong linisin ang kanilang kaisipan at intensiyon.

Thursday, April 19, 2007

Maghiganti O Di Maghiganti

Ang Mga Gawa 5:27-33
Salmo 34:2, 9, 17-18, 19-20
Juan 3:31-36

Ang kaibigan ko ay nagkaroon ng malungkot na karanasan sa kanyang organisasyon.

Hindi siya masaya sa mga nabotong mga opisyal pero pagkatapos nito, inatasan siya ng presidente na maging treasurer. Tinanggihan niya ito, ngunit sa pagpupumilit ng presidente at para na rin sa kapakanan ng pagsasamahan ay pumayag na rin siya.

Pero isang linggo bago ang panunumpa, kinausap siya uli ng presidente para sabihin na hindi pumayag ang mga council members na siya ang maging treasurer. Nagalit ang kaibigan ko pero nalampasan niya ito matapos ang maraming panalangin, suporta ng kaibigan at spiritual direction. Ngunit alam niyo ba na nilapitan siya uli ng presidente na maging treasurer dahil wala silang ibang makuha?

Iminungkahi ko sa kanya na laging manalangin at hayaan na ang Diyos ang magdesisyon. Higit sa pagmamalaki at paghihiganti, mas makakabuti ang makinig sa tinig ng Diyos sa kaibuturan ng ating puso. At anuman ang sabihin Niya ay dapat nating sundin. Cristy G.

Pagninilay: Meron bang humahamak sa iyo? Kaya mo ba siyang mahalin?

Nawa'y marinig ko ang Iyong direksiyon, lalo na sa mga panahon na ang isipan ko ay nababalot ng galit.

Wednesday, April 18, 2007

Albert

Ang Mga Gawa 5:17-26
Salmo 34:2-3, 4-5, 6-7, 8-9
Juan 3:16-21

Siya ang paboritong anak ng kanyang nanay at naging pasaway dahil dito. Sa mata ng kanyang ina, tama lahat ang ginagawa ni Albert. Nag-asawa si Albert sa edad na 17. Nabuntis at pinakasalan niya ang 15 taon na dalaga. Matapos magkaroon ng tatlong anak, nanganib na mawasak ang pamilya nila.

Tuloy pa rin ang paglalasing, kalokohan at pag-uwi ng madaling-araw ni Albert kahit na siya'y may asawa't anak na. Madalas magsumbong ang asawa niya sa biyenan. Pero sa huli sabi sa kanya, "Mabuti siyang lalaki na napasama lang sa masamang barkada. Patawarin mo na siya. Darating din ang araw na magbago din siya dahil mahal siya ng Diyos.

Nakalipas ang 20 taon. Lumaki na ang mga bata at nagkaroon ng kanilang mga pamilya. Mahigit limang taon lamang ang pagsasama ng kanilang magulang. Pero ngayon ang tatay nilang si Albert ay nagsisilbi sa Diyos ng fulltime, nagpapahayag sa mga tao kung paano siya minahal ng Diyos, na binigay niya ang bugtong anak para magligtas siya sa kasalanan. Chelle C.

Pagninilay: Minsan kailangan lang nilang malaman na may naniniwala sa kabutihan nila.

Salamat po, Ama, dahil hindi Ka nagsasawa sa akin.

Tuesday, April 17, 2007

Ang Tarangkahan At Ang Masasayang Tao

Ang Mga Gawa 4:32-37
Salmo 93:1ab, 1cd-2, 5
Juan 3:7-15

Habang papunta ang aking boss sa opisina, nakaranas siya ng mild stroke. Dinala siya sa ospital at doon siya'y nag-agaw buhay. Nakita na lamang niya ang kanyang sarili sa harap ng tarangkahang napapaligiran ng mababangong bulaklak. Nakakita din siya ng mga tao na tila kay saya. Isa sa mga kaibigan niya ay nakatayo kasunod niya, at nakatingin din sa mga tao doon.

Nabuhay ang boss ko at nalaman niya na ang kaibigang nakita niya sa kanyang pangitain ay inatake din at nabuhay. Noong magkita sila muli, ang suot ng kanyang kaibigan ay kapareho nung kasuotan niya sa may tarangkahan.

Ano ang lugar na iyon? Langit kaya? Maaari nga, dahil ang ebanghelyo ang nagsasabi na mayroong buhay na walang hanggan at kung itataas natin ang Anak ng Tao, tayo ay mabubuhay na masaya habang buhay. Ang pagtataas kay Kristo ay nangangahulugan na pagtanggap sa Kanya bilang sariling tagapagligtas, pagsamba, pagsunod, at pamumuhay na banal, hanggang sa kunin niya tayo upang makibahagi sa walang hanggang kasiyahan kasama Niya. Cindy S.

Pagninilay: Ano kaya ang itsura ng langit?

Panginoon, tulungan Mo akong mamuhay ng banal, upang maging karapat-dapat ako sa langit.

Monday, April 16, 2007

Pinanganak Muli

Ang Mga Gawa 4:23-31
Salmo 2:1-3, 4-7, 7-9
Juan 3:1-8

Si Tristan, ang aking limang-taong gulang na inaanak, ay nagsabi sa kanyang Ina, "Mama, gusto kong bumalik sa iyong tiyan."

"Hindi ka na magkakasya." nakangiting tugon ng ina niya.

"Pero kung hihiwain kitang maliliit na piraso at kakainin kita, mapupunta ka muli sa loob ng aking tiyan!"

"Sige! Simulan natin dito, tapos dito at tapos dito..." nagsalita si Tristan.

Ay, napaka-cute niya talaga! Ngunit kung iyon ang paraan upang mabuhay muli, hindi ako nakakasigurado na may papayag. Sa mabuting balita ay naghanda ang Diyos ng mainam na paraan upang mabuhay tayong muli ng walang sakit na mararamdaman. Sa pamamagitan lamang ng pagpahid ng langis at tubig at, voila! ikaw ay nabinyagan na at nabuhay nang muli.

Sandali lang, hindi lang pala iyon. Nakalimutan ko, maliban sa mga salita at mga ritwal, na ang mas mahalagang bagay ay ang pagtalikod sa kasalanan at manumbalik sa Panginoon. Maaari itong mangyari kahit anong oras, saan mang lugar, at sa lahat ng pagkakataon.

Ngayon, ipikit mo ang iyong mga mata at manalangin sa banal na Espiritu at mabuhay muli sa pagkakataong ito. Cecille L.

Pagninilay: Muli bang nabago ang aking commitment sa Diyos?

Pumasok Ka sa aking puso, Panginoon.

Sunday, April 15, 2007

Pagtitiwala

Ang Mga Gawa 5:12-16
Salmo 118:2-4, 13-15, 22-24
Pahayag 1:9-11, 12-13, 17-19
Juan 20:19-31

"Alam ko na hindi pa kita nabibigyan ng ganitong uri ng gawain, ngunit alam ko kaya mo ito," sabi ng editor ko sa akin.

Sinabi niya sa akin na ang kanyang boss ay nangangamba nang ako ang inatasan niya dahil nagkaroon sila ng di kanais-nais na karanasan mula sa dating manunulat.

Pagkalipas ng ilang buwan, ipinasa ko ang trabaho ko. Tapos, nakatanggap ako ng email mula sa aking editor. "Humanga sila sa iyong gawa. Salamat!" sabi niya.

Gumaan ang aking loob at naisip kong palagay rin ang kalooban ng mga boss ko. Mahirap magtiwala sa hindi mo kilala at umasa sa salita ng iba.

Mas madali di hamak ang magtiwala sa Diyos kaysa sa ibang tao. Gayunpaman, hindi ko mapigil na mag-alala sa araw-araw.

Kung alam natin na ang Diyos ang nagbibigay ng ating mga pangangailangan, pinapagaling, pinapatawad at minamahal tayo - mahirap pa bang ipagkatiwala sa Kanya ang lahat? Anna dG.

Pagninilay: Ano ang humahadlang sa iyong magtiwala sa Diyos ng lubusan?

Panginoon, turuan Mo ako na ipasa-Inyo ang lahat.

Saturday, April 14, 2007

Paninindigan

Ang Mga Gawa 4:13-21
Salmo 118:1, 14-15, 16-18, 19-21
Marcos 16:9-15

Sumikat sa buong mundo ang isang pambatang aklat anim na taon ang nakalipas. Dahil dito, napukaw ang interes ng mga bata sa Amerika ukol sa pangkukulam. Nagkasundo kaming mag-asawa na ang aklat na ito ay hindi kaakit-akit sa Panginoon. Ipinaliwanag namin sa anak naming nasa Grade 1 kung bakit hindi niya ito dapat basahin o panoorin sa sine.

Kaya noong naging Grade 4 siya at kinailangan niyang basahin ang librong ito para sa eskwela, nadismaya ako. Nakiusap ako sa mga namamahala kung pwedeng iba na lang ang ipabasa sa anak ko at ipinaliwanag ko kung bakit. Hindi sila pumayag. Susuko na sana ako ngunit nanaginip ako noong gabing iyon. Tila bigo ang Panginoon na agad akong sumuko.

Kinabukasan, kinausap ko ang director ng eskwela at sabi ko na baka dumating ang araw na nangangailangan manindigan ang aming anak at at maaalala niya yung panahon na bumitaw ang kanyang magulang sa kanilang paniniwala dahil sa tindi ng pagsubok. Pagkalipas ng isang buwan, pumayag silang palitan ang libro para sa aming anak. Noong sumunod na taon, tinanggal na yung libro sa listahan ng babasahin ng paaralan. Ronna L.

Pagninilay: Kaya mo bang manindigan para kay Hesus kahit mahirap?

Bigyan Mo ako ng lakas, Hesus, na manindigan para sa Iyo.

Friday, April 13, 2007

Mga Sandali Ng Pagpapala

Ang Mga Gawa 4:1-12
Salmo 118:1-2, 4, 22-24, 25-27
Juan 21:1-14

Pagod na ang mga kasamahan ko sa grupo; hating-gabi na at hindi pa matapos ang aming presentasyon. “Bakit ko nga ba sila tinutulungan? Hindi naman inutos sa akin ito ng boss ko!”

Aayaw na sana ako.

Maaring ganito rin ang naramdaman ni Pedro nang sabihin niyang, “Mangingisda ako.” Sa kasamaang palad, wala silang nahuli! Handa na siyang sumuko.

Buti na lang bago tayo sumuko, binibigyan tayo ng Diyos ng panahon na huminahon, magpahinga at sumubok muli.

Nabasa natin ang kwento: Sinabi ng Panginoon kay Pedro na huwag sumuko at magsumikap muli. At ang dami nilang isdang nahuli! Higit pa dito, kumain sila ng almusal na kasama si Hesus at nanatili sa Kanyang piling.

Naramdaman ko ang grasya ng Diyos nang binigyan ng parangal ang aming proyekto para sa aming kumpanya. Nakamtan namin ang biyaya ng Diyos sa aming presentasyon. Ariel D.

Pagninilay: Huwag kang susuko. Bumalik ka sa Diyos.

Salamat po, Ama, grasya ng bawat sandali.

Thursday, April 12, 2007

Ang Ama Ng Lahat Ng Panahon

Ang Mga Gawa 3:11-26
Salmo 8:2, 5, 6-7, 8-9
Lucas 24:35-48

Tunay nga na ang buhay ay paikut-ikot lang. Kahapon tayo's mga estudyante at ngayon mga propesyonal na.

Dati tayo'y mga kabataan sa henerasyon "Yeah Yeah Vonnel." Ngayon, tayo'y mga magulang o lolo't lola sa henerasyon ng dot.com.

Ngunit di mahalaga kung tayo'y matanda man o bata; ang Diyos ay nananatiling nariyan. Pareho Siya noon, bukas at magpakailanman.

Oo, Siya nga ang Ama nating mahabagin at mapagpatawad habang tayo ay lumalapit sa Kanya ng may pagpapakumbaba, humihingi ng tawad sa mga pagkakamali at kasalanang nagawa.

Palagi Niya tayong patatawarin gaano man karami ang ating nagawang kasalanan.

Salamat po, Panginoon, sa pagpapatawad Mo sa lahat ng aking kasalanang nagawa. Ikaw nga ang Ama ng Lahat ng Panahon. Henry Y.

Pagninilay: Ilang beses na ba akong nagbingi-bingihan tuwing kinakausap Mo ako?

Panginoon, patawarin Mo ako sa lahat ng nagawa kong labag sa Iyong mga turo.

Wednesday, April 11, 2007

Matatag Ba Ang Pananampalataya Mo?

Ang Mga Gawa 3:1-10
Salmo 105:1-2, 3-4, 6-7, 8-9
Lucas 24:13-35

Noong sinabi ng doktor na walang lunas ang sakit sa puso ng aking anak, matindi kong sinuyo ang Panginoon. Dahil doon, nagpakilala ang Panginoon sa akin sa mga paraan na hindi ko inaasahan simula pa noong nanahan ang Espiritu Santo sa akin 20 taon nang nakakaraan. Sigurado ako na magmimilagro ang Diyos at papagalingin Niya ang aking anak para sa Kanyang kaluwalhatian.

Pagkalipas ng limang buwan, namatay ang aking anak. Nabigla ako. Pakiramdam ko nilinlang Niya ako. Akala ko ba Panginoon at Tagapagligtas Siya? Bakit hindi Niya napagaling ang anak ko? Bigla akong nagduda kung totoo ang sinasabi ng Biblia tungkol sa Kanya. Lumuhod ako at sinabi sa Kanyang hindi ako aalis hanggang masumpungan ko ang katotohanan tungkol sa Kanya.

Pagkalipas ng isang linggong pag-aalinlangan, nagising ako sa katotohanan. Tunay nga Siyang Diyos at Dakilang Manggagamot. Hindi man Siya nagpakita sa akin, nagising naman ako sa bagong umaga na mapayapa ang puso ko. Sa kaibutaran ng aking sarili, alam kon tunay nga Siya. Ronna L.

Pagninilay: Gaano katatag ang iyong pananalig sa Kanya?

Panginoon, gusto kitang makilala.

Tuesday, April 10, 2007

Ipamahagi Ang Salita

Ang Mga Gawa 2:36-41
Salmo 33:4-5, 18-19, 20, 22
Juan 20:11-18


Ayaw kong maniwala sa mga sinasabi ni Dan Brown tungkol kay Hesus at Maria Magdalena. Kasinungalingan 'yon! Ngunit naniniwala ako na malapit ang loob ni Maria Magdalena kay Hesus. Dahil sa kanya unang nagpakita si Hesus.

Bakit sa kanya? Dahil si Maria ay naghihintay sa Kanya sa labas ng libingan samantalang lahat ay umuwi na (Juan 20:10-11). Sinabi niya, "Nakita ko ang Panginoong Hesus!" at ipinamalita ang sinabi Niya.

May mga bagay na dapat ilihim sa iba at merong mga dapat ipaalam. Madalas may nagsasabi, "Pinagpapala ako ng Panginoon pero hindi ko nalang pinagsasabi at baka isipin ng iba na nagyayabang ako." O kaya, "Naghimala ang Diyos sa buhay ko ngunit baka isipin nila na nababaliw ako kaya mananahimik lang ako."

Tungkulin natin na ipahayag si Kristo. Humayo tayo at ibalita sa buong mundo ang tungkol kay Hesus. Tulad ni Maria Magdalena, kung nais natin makita si Hesus, hintayin natin Siya, manatili sa Kanya, at ipamahagi ang salita ng Diyos. Sabihin natin, "Nakita ko ang Panginoon. Siya ay buhay!" Alvin B.

Pagninilay: Ikaw ba ay nag-aalinlangan na ipamahagi ang ginawa ng Diyos sa buhay mo? Subukan mong sabihin ang tungkol sa Kanya ngayon.

Hesus, aking Panginoon, punuin Mo ako ng Inyong grasya upang makita Kita at maihayag Ka sa iba. Amen

Monday, April 9, 2007

Walang Ilaw

Ang Mga Gawa 2:14, 22-32
Salmo 16:1-2, 5, 7-8, 9-10, 11
Mateo 28:8:15


Galit sa brownout ang aking mga anak. Nanginginig sila sa takot, namamawis ang mga palad at kinakabahan. Syempre medyo exaggerated iyon. Ngunit ang totoo ay ayaw nilang mawalan ng ilaw kahit sandali lalo na kung sila ay nanonood ng TV o kaya'y nagbabasa ng komiks.

Pero mainam ito dahil ako'y hinahanap nila, "Mama! Nasaan ka?" Kapag narinig nila ang aking boses, tila magic sa kanilang pandinig. Kapag nilapitan na nila ako, hinahawakan ko ang kanilang kamay at niyayakap ko sila ng mahigpit at sinisigurado ko sa kanila na okay na ang lahat dahil nandito na si Mama. Ah! Kaya ko gusto ang brownout.

Naiisip ko tuloy kung ano ang pakiramdam kapag nasa langit na tayo. Nabubuhay tayo sa liwanag at ang pinakamaganda sa lahat, niyayakap tayo ng Diyos ng mahigpit at nagsasabing, "Okay na ang lahat; narito Ako sa iyong tabi."

Nang si Hesus ay nabuhay muli, inalis na Niya ang brownout. Marissa E.

Pagninilay: Gusto mo bang manatili sa kadiliman o sundan ang liwanag ng pagmamahal ng Panginoon.

Ibigay Mo ang Iyong liwanag at katotohanan. Maging gabay ko sila. Dalhin Mo ako sa Iyong banal na bundok kung saan ako ang manatili sa Iyo.

Sunday, April 8, 2007

Dalawang Simpleng Tanong

Ang Mga Gawa 10:34, 37-43
Salmo 118:1-2, 16-17, 22-23
Colosas 3:1-4 o 1 Corinto 5:6-8
Juan 20:1-9


Si Ms. Prosti, Denial King at si Mr. Hot Head. Hindi sila mga baguhang cartoon karakter. Sila ay si Maria Magdalena, Pedro at Juan - ang mga "Reyna at Hari ng Sablay" na mga naunang nakasaksi sa pinakamahalagang pangyayari sa buong mundo.

Bakit sila? Hindi ako theologian. Isang simpleng guwapong lalake lang ako (Naku, bakit humahaba ang ilong ko?) na may isang simple at gwapong sagot: Sila ang mga nauna dahil nandoon sila!

Maaaring minabuti ni Hesus na sina Ponsio Pilato, Herodes at Caiaphas ang mauna para makita nila ang katibayan, ngunit wala sila doon. Maaaring umasa Siya na ang mga Pariseo ang makakita sa Kanya, pero hindi sila dumating. Kung hindi lang sana nagbigti si Hudas, baka sinabihan siya ni Hesus, "Wala akong pakialam sa
iyong nakaraan at sa mga kasalanan mo, basta nandito ka!"

Bakit umaga nangyari? Dahil sa pagsisimula ng isang bagong araw, binago din niya ang lahat sa buhay natin! Ang pagsikat ng araw ang naghiwalay ng ating kahiya-hiyang nakaraan sa ating matagumpay na hinaharap!

Ang batong nasa bukana ng libingan ng iyong mga pagkakamali at mga kasalanan ay natanggal na. Jon E.

Pagninilay: Nandoon ka ba kung saan ka dinala ni Hesus?

Panginoon, ako ay makasalanan, galit, nahihiya, takot, at walang pag-asa. Pero nandito ako. Buhayin Mo ako.

Saturday, April 7, 2007

Sugatang Nagpapagaling

Genesis 1:1 - 2:2
Salmo 118:1-2, 16-17, 22-23
Mga Taga Roma 6:3-11
Lucas 24:1-12

Pauwi na kami mula sa isang masayang pagtitipon noong kaarawan ng asawa kong si Obet. Buntis ako noon. Nakasakay kami sa taksi nang maramdaman ni Obet na gumalaw ang aking tiyan. "Sumisipa ba ang aking baby?" tanong niya. "Palagay ko gusto ka lang niyang batiin," tugon ko. Umiiyak si Obet sa tuwa nang mapansin niya na nakatulog ang drayber ng taksi. Ginising niya ito, humingi ng paumanhin ang drayber at nagpaliwang na napagod siya buong maghapon sa pagmamaneho. Nagalit si Obet ngunit pinagpasensyahan niya ito. Sa pagkakataong iyon, sinamantala niyang maibahagi ang Magandang Balita sa drayber.

Makalipas ang limang araw, nagpa-ultrasound ako. Nagulat kami sa resulta: Mayroong palcenta at amniotic fluid ngunit walang baby. Blighted ovom daw. Napaiyak si Obet at nagtanong, "Kung walang baby, ano yung naramdaman ko na gumalaw sa iyong tiyan?" Ang sinabi ko na lang, "Gumalaw ang ating baby upang iligtas tayo sa tiyak na kapahamakan."

Isang himala ang pagkaligtas namin sa aksidente. Dahil dito, nakakatulong kami sa mga nakukunan. Nakatutulong kami dahil naiintindihan namin kung ano ang nararamdaman nila. Joie C.

Pagninilay: Hinahanap ko ba ang mga buhay sa piling ng mga patay?

Gamitin Mo ako, Hesus, upang bigyang pag-asa ang nangangailangan sa Iyo.

Friday, April 6, 2007

Inuman Ang Saro Ni Hesus

Isaias 52:13-53:12
Salmo 31;2, 6, 12-13, 15-16, 17, 25
Hebreo 4:14-16; 5:7-9
Juan 18:1-19:42

Akala ko na ang kabaligtaran ng pag-ibig ay pagkamuhi. Pero sa aking karanasan, kahit matindi ang galit, may mananatiling pag-ibig pa rin sa puso ng isang tao. Kaya may kasabihan, "the more you hate, the more you love."

Natutunan ko kay Scott Peck, ang mga akda ng The Road Less Travelled, na ang tunay na kabaligtaran ng pag-ibig ay hindi pagkamuhi kundi katamaran. Kapag ang isang tao ay wala nang pagmamalasakit sa iba, iyon ang matatawag na kabaligtaran ng pag-ibig.

Ang mga taong walang pakialam ganito mag-isip: "Magsaya ngayon at bukas magtiis." Pero iba ang prinsipyo namin ng aking asawang si Joie: "Magtiis ngayon at bukas magsaya." Kahit na mahirap, patuloy lang kami na tumutulong, nakikinig at nagpapahalaga sa isa't-isa. At sa paglipas ng mga araw, buwan, at taon, doon namin mararanasan ang tunay na kasiyahan.

Sang-ayon ako sa sinabi ni Dr. Peck: "Ang kabutihan ng ating katauhan... ay lumalabas kapag tayo ay hindi kumportable, malungkot at may dalang pasanin." Gusto ba natin ang madaling daan ng walang pakialam o ang mahirap na daan ng tunay na pag-ibig? Uminom sa saro ngayon at magsaya! Obet C.

Pagninilay: Nakikita ba natin ang kaluwalhatiaan sa kabila ng pagdurusa?

Hindi ang aking kalooban, ngunit ang kalooban Mo ang mangyari, Panginoon.

Thursday, April 5, 2007

Ang Paghuhugas Ng Ating Mga Paa

Exodo 12:1-8, 11-14
Salmo 116:21-13, 15-16, 17-18
1 Corinto 11:23-26
Juan 13:1-15

Sa aming community ay may mahalagang tradisyon na tinatawag na "washing of the feet." Ang isang miyembro ay pinapaupo habang siya ay "huhugasan" ng mga salita ng pagmamahal. Sasabihin namin ang kanyang mga katangian - kung paano niya hinipo ang aming buhay. Kadalasang maraming umiiyak.

Kahit sino naman ay mabubuhayan ng loob sa mga salita ng pag-ibig at pagmamahal.

Ngayon naaalala ko ang sobrang pagmamahal na ibinuhos ng Panginoon noong huling hapunan. Tumayo Siya at hinubad ang mga panlabas na pananamit, kumuha ng tuwalya at tinali ito sa Kanyang baywang. Sa paghugas ng bawat maduming paa ng Kaniyang apostoles nagbigay Siya ng halimbawa sa kanilang lahat. "Kung ano ang ginagawa Ko ay hindi ninyo naiintindihan ngayon pero maiintindihan niyo rin kalaunan...."

Isang bahagi lang ito ng malalim na pagmamahal ni Hesus para sa atin. Mga salita ng pagmamahal. Mga gawain ng pag-ibig. Lagi nating isipin kung paano tayo lalong makapagbibigay nito. Lallaine G.

Pagninilay: Mapagmahal ba ang aking salita at gawa?

Linisin Mo ako, Panginoon! Nawa'y ang tubig ng buhay na umagos sa akin ang magturo sa aking magmahal. Amen

Wednesday, April 4, 2007

Mga Salitang Dapat Isabuhay

Isaias 50:4-9
Salmo 69:8-10, 21-22, 31, 33-34
Mateo 26:14-25

Ikaw ba ay nag-aalala? Ikaw ay dakila sa paningin ng Diyos! Sabi sa Mateo 6:25-26, "Kaya't sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain na kailangan ninyo upang mabuhay, o sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa sa pagkain, at katawan kaysa sa pananamit? Masdan ninyo ang mga ibon: Hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya'y nagtitipon sa bangan. Gayunpaman, pinakakain sila nang inyong Amang nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon?"

Ikaw ba ay nalugi? Ikaw ay mayaman higit sa iyong nalalaman! Sabi sa Juan 15:5, "Ang mananatili sa akin at ako sa kanya ang siyang namumunga ng sagana."

Ikaw ba ay pagod? Pagpapahingahin ka ni Kristo! Sabi sa Mateo 11:28, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko.

Ikaw ba ay takot? Mahal ka Niya! Sabi sa 1 Juan 4:18, "Pinapawi ng pag-ibig ang anumang pagkatakot."

Kahit ano pa man ang dinadaanan mong suliranin, may sagot ang Panginoon sa Kanyang Salita para sa iyo. Arun G.

Pagninilay: Ako ay mahalaga sa Diyos; mahal Niya ako.

Panginoon, nawa'y ang aking mga salita ay magdala ng buhay sa mga nakakarinig nito.

Tuesday, April 3, 2007

Puting Martir

Isaias 49:1-6
Salmo 71:1-2, 3-4, 5-6, 15, 17
Juan 13:21-33, 36-38

Dati, mayroon akong isang dekorasyon na nakasabit sa taas ng aking lamesa sa opisina. Nakasula doon: "Christ died for me. I live for Him." Ito ay isang paalala sa akin kung paano ako dapat mamumuhay araw-araw. Sa tingin ko, mas madali siguro kung "Christ died for me. I will die for Him" ang nakasulat. Ang kamatayan ay minsanan lang pero ang mabuhay ay mahabang proseso!

Turo ng simbahan sa atin na ang mga "pulang martir" - yung mga namatay dahil sa kanilang pananalig - ay diretsong langit ang punta. Konti lang ang matatawag na magpapatunay sa ganitong paraan. Ang karamihan sa atin ay tinatawag na maging "puting martir." Maaaring sa pag-alis ito sa isang magandang trabaho upang maglingkod ng fulltime sa Panginoon. Maaring sa pagbibigay ng malaking donasyon sa mga nangangailangan. Anuman ito, hindi lang ito minsanang ginagawa natin kundi sa araw-araw.

Hindi nauunawaan ni Pedro noong una kung ano ang ibig sabihin ng pagbibihay ng kanyang buhay para kay Kristo. Kaya ang bilis niyang itinanggi si Hesus ng tatlong beses. Pero nagsisi siya at ginamit ang buong buhay niya para bawiin ang paglaglag niya kay Hesus. Sa bandang huli, namatay pa siya bilang pulang martir. Rissa S.

Pagninilay: Paano ako mamumuhay kay Kristo ngayon?

Panginoon, bigyan mo ako ng grasyang mamuhay para sa Inyo araw-araw.

Monday, April 2, 2007

Nakakaawang Marta

Isaias 42:1-7
Salmo 27:1, 2, 3, 13-14
Juan 12:1-11

Ako ay nahahabag sa mga babaeng ang pangalan ay Marta. Ang ebanghelyo ngayon ay nagdulot ng reputasyon na hindi sila madasalin at inggitera pa.

Pero ako ay isang Marta at gusto kong sabihin na masaya akong maging ganito. Ako ang tipong makikita mong nagsisilbi at hindi nakaluhod. Ako ang tipong makikita mong nagtatadtad ng litson hindi tulad ng host na nakikipag-usap sa kanyang mga bisita.

Hindi ibig sabihin na hindi ako nagdadasal. Pero para sa akin, ang pagsisilbi sa iba ay ebidensiya ng aking pagmamahal. At ano ba ang dasal kung pagpapahayag ng pagmamahal?

Gayun pa man, ang pagiging Marta ay may negatibo ring aspeto, tulad ng pagiging isang Maria. Bilang isang Marta, kailangan kong tanggapin na ang galing ko ay nasa mga trabaho na hindi nakikita ng karamihan. Ang kahinaan ko naman ay minsan, naiinggit ako sa mga taong nasa harapan.

Pero habang tumatagal, lalo kong natatanggap na para sa mga di-pansing gawain ang kakayahan ko. Mula noon, masaya na ako na isa akong Marta. Victoria L.

Pagninilay: Martam, Marta, Marta. Tumigil ka. Alamin mo kung sino kang talaga at tanggapin iyon. Hayaan mo si Maria sa kanyang gawain.

Panginoon, kapag ako'y abala sa napakaraming bagay, patigilin mo ako at paalalahanang manahimik sa Iyong presensya.

Sunday, April 1, 2007

Gamitin Ang Lamesa

Isaias 50:4-7
Salmo 22:8-9, 17-18, 19-20, 23-24
Filipos 2:6-11
Lucas 22:14-23:56


Ako ay naniniwala na ang hapag-kainan ay banal na lugar.

Halimbawa, lumalabas kami ng aking asawa para sa isang "romantic date" isang beses sa isang linggo. (Kahit sa simpleng kainan o sa garahe man ay pwede na.)

Napakaraming himala, pagpapagaling at mga kamangha-manghang pangyayari dahil sa hapag-kainan.

Sa hapag-kainan naipahahayag naming mag-asawa ang aming nararamdaman. Ibinubuhos namin ang aming alalahanin, pag-asa, takot at layunin sa isa't isa. (Madalas kasi, ang mga mag-asawa ay naghuhubad ng pisikal ngunit nakabalot ang kanilang mga damdamin.)

Sa hapag-kainan pinalalalim ko ang aking relasyon sa aking anak. Lumalabas rin kaming dalawa lang at kumakain ng paborito naming pagkain. Kami'y nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagtatawanan at umuuwing masaya.

Dito so banal na lamesa nahuhubog ang pagkakaibigan, ang pagiging mag-asawa at ang relasyon ng magulang at anak.

Ginagamit mo ba ang lamesang ito upang pagpalain ang iyong buhay? Simulan mo ngayon. Bo S.

Pagninilay: Kunin mo ang iyong kalendaryo at maglaan ng araw upang ilabas mo ang iyong asawa, anak at magulang.

Panginoon, gusto ko ang matibay na relasyon sa mga minamahal ko.